Los Baños, Laguna – Pinangunahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development-Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang pagsasagawa ng ‘writeshop’ kamakailan kaugnay ng isang proyekto sa goma.
Ang proyekto ay ipinatutupad upang subukan nang malawakan sa bansa ang paggamit ng mga bagong klona ng goma na may mataas na ani gayun din ang mga bagong pamamaraan ng pagpaparami nito.
Pinangunahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development-Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang writeshop na isinagawa sa tanggapan ng nasabing ahensya.
Idinaos ang writeshop upang magkaroon ng pamantayan sa pagsasagawa at pagpapatupad ng mga gawain sa proyekto na nakapaloob sa programa.
Layon din ng writeshop na tukuyin ang tamang disenyo ng istatistika at pag-aanalisa ng datos na gagamitin sa mga proyekto. Nirepaso rin dito ang mga paunang resulta ng programa, nagbigay ng mahahalagang rekomendsasyon, at nagbalangkas ng plano para sa pagpapalawig ng programa.
Pinangunahan ni Dr. Marcelino U. Siladan, Tagapanguna ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Rubber, at ni Ms. Gretchen O. Nas, ‘Commodity Specialist’ ang nasabing gawain.
Ang Programa ay pinamumunuan ni Dr. Romulo L. Cena ng University of Southern Mindanao, sa pakikipagtulungan sa mga dalubhasa sa goma mula sa Isabela State University, Western Philippines University, Western Mindanao State University, Southern Luzon State University, Central Mindanao University, at Department of Agriculture-RFO 9 Research Division.
Layunin ng programa na tukuyin at ipayo sa mga magsasaka ang paggamit ng mga klona na angkop sa lugar at mga kondisyon sa bansa at makapagbibigay ng mas mataas na ani; makabuo ng tumpak na teknolohiya sa paghuhugpong at mabilisang pagpaparami; makabuo ng mga bagong ‘root trainer techniques’ para sa pagpoprodyus ng kalidad na pananim upang mapaikli ang ‘immaturity period’; magdebelop ng mga ‘information, education, and communication (IEC) materials’ upang maibahagi at maisulong ang mga teknolohiya; at magsagawa ng pagsusuri sa mga kaukulang halaga at pakinabang ng mga teknolohiya.
Ang mga magsasaka, may-ari ng narseri; mananaliksik at mag-aaral ang mga target na tagapakinabang ng programa na ipatutupad sa Rehiyon 2, 4-A, 4-B, 9, 10, at 12.