Isang uri ng bayopestisidyo ang maaaring magamit upang epektibong mapigil ang sakit na Fusarium wilt ng kamatis, talong, at sili.
Ang produkto na tinawag na WiltCure ay makatutulong din sa mabilis na paglaki ng mga nasabing halaman at makapagbibigay ng mas mataas na ani.
Ito ang mga pangunahing resulta ng proyekto na may titulong Callus and microbe co-culture as a novel source of biopesticides against major agricultural pests and diseases.
Pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at sinubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng DOST (DOST-PCAARRD) ang nasabing proyekto.
Ang Fusarium wilt ay sanhi ng Fusarium oxysporum, isang uri ng patoheno na taglay ng lupa. Karaniwan itong kinokontrol sa pamamagitan ng paggamit ng kemikal na pestisidyo. Subalit ang matagal na paggamit ng sintetikong kemikal ay nagiging dahilan ng pagbaba ng likas na nutriyent na taglay ng lupa at kontaminasyon ng kapaligiran.
Ang bayopestisidyo ay ang pinakamabisang alternatibo upang mapababa ang paggamit ng sintetikong kemikal. Nanggagaling ito sa mga likas na mapagkukuhanan gaya ng halaman, ‘fungi,’ at bakterya. Madali silang gamitin at ligtas sa kapaligiran.
Ayon kay Dr. Eufrocinio C. Marfori, tagapanguna ng proyekto, ang pormulasyon ng WiltCure ay nalinang matapos ang serye ng eksperimento sa laboratoryo, mga paso, at taniman na isinagawa sa National Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng University of the Philippines Los Banos (UPLB-BIOTECH).
Ayon sa ulat ni Dr. Marfori, ang produkto ay nalinang matapos ang ‘co-culture’ ng ‘potato callus’ at ‘microbe’ na nagpakita ng pinakamataas na kakayahan sa pagpigil ng patoheno. Ang co-culture ay ginawang isang pormulasyon para sa bayopestisidyo at nasa porma ng tuyong pulbos at tinawag na WiltCure. Napatunayan din na ang WiltCure ay hindi nakalalason sa mga isda at hayop na walang gulugod.
Iniulat ng mga mananaliksik na nagsagawa ng pag-aaral ang magandang resulta ng paggamit ng WiltCure sa kondisyon sa greenhouse at mga taniman. Ang mga halamang itinanim sa paso at ginamitan ng WiltCure ay mas mataas at may magandang ani. Hindi rin sila nakitaan ng paninilaw at pagkalanta ng mga dahon kumpara sa mga halamang hindi ginamitan nito at sa halip ay ginamitan ng sintetikong pestisidyo.
Gayunpaman, ipinayo ng mga mananaliksik sa ilalim ng proyekto ang ibayo pang pagsubok sa bisa ng WiltCure sa iba pang mga lugar. Iniulat din nila ang posibilidad na magamit ito sa pagkontrol ng Fusarium wilt sa saging, luya, at iba pang pananim.
Ang proyekto ay bahagi ng programang Development and promotion of enhanced and new biofertilizers, biostimulants, and biopesticides for increased crop productivity of UPLB-BIOTECH.