Kasalukuyang itinataguyod ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang programang may titulong, “Citrus Resources Research for Development in Cagayan Valley” o CRR4DCV.
Ang proyekto ay una sa mga inisyatibo sa ilalim ng Regional “Industry Strategic S&T Program” o ISP na pinopondohan ng DOST-PCAARRD.
Isasakatuparan ang programa ng Nueva Vizcaya State University (NVSU) at pangungunahan ng program leader na si Dr. Elbert A. Sana. Naglalayon ang programa na mapabuti ang industriya ng sitrus sa Cagayan Valley sa pamamagitan ng mga inisiyatiba na ginagamitan ng siyensya at teknolohiya.
Inaasahang makakatulong ang programang ito sa mga nagtatanim ng sitrus sa Nueva Vizcaya at Cagayan Valley; mga nangangalakal at nagpoproseso ng sitrus; mga mananaliksik, mga may-ari at nagpapatakbo ng ‘nursery’; mga ‘agricultural technicians,’ at mga gumagawa ng mga polisiya o ‘policy makers.’
Upang simulan ang CRR4DCV, isang pagpupulong ang ginanap sa NVSU. Lumahok sa pulong ang mga ahensyang magtutulong-tulong para sa programa, kasama ang Cagayan Valley Agriculture and Aquatic Resources Research and Development (CVAARRD), DOST Regional Office 2 (DOST-R2), Department of Agriculture-Regional Field Office 2 (DA-RFO2), Bureau of Plant Industry (BPI), at mga lokal na pamahalaan ng Kasibu at Villaverde. Kasama din sa pagsasakatuparan ng programa ang National Plant Genetic Resources Laboratory ng University of the Philippines Los Baños (NPGRL-UPLB), Isabela State University, Quirino State University, at Cagayan State University.
Ang Namujhe Integrated Farms ay magbibigay din ng tulong teknikal sa pagsasakatuparan ng programa.
Tatagal nang tatlong taon ang programa at tutugunan ang mga problema at kinakailangan pang gawin para sa industriya ng sitrus.
Kabilang sa programa ang apat na proyekto na bibigyang pansin ang sumusunod: ‘value chain,’ ‘plant genetic resources,’ produksyon ng mataas na kalidad na punla, at pamamaraan ng pamamahala ng mga peste o ‘integrated pest management.’