Ang tsokolate ay isang sikat na pagkain na nanggaling sa mga buto ng kakaw. Pagkatapos anihin ang kakaw, ito ay binibiyak at sinasalok ang basang buto nito. Ang mga basang buto ng kakaw ay inilalalagay sa hinabing “polypropylene” na sako na may dobleng “polyethylene bag” upang maiwasan ang pagtulo ng katas nito.
Subalit may mga tagapag-‘supply’ ng kakaw na inaantala ang paghahatid ng kakaw upang makakolekta sila ng sapat na dami ng kakaw na kanilang ipagbibili. May mga pagkakataon din na ang mga tagapag-supply ng kakaw ay naghahatid ng mga basang buto na nakolekta at nasa loob na ng sako nang higit pa sa isa o dalawang araw. Ito ay nagiging dahilan upang ang mga buto ay masira kung minsan at magkaroon ng masamang epekto sa kalidad ng produkto na ginawa mula rito.
Upang pangalagaan ang mga mamimili, kailangang subaybayan ang kalidad ng basang buto ng kakaw sa merkado.
Kaugnay nito, nakabuo ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng isang kasangkapan gamit ang teknolohiya ng ‘sensor’ upang matukoy kung sariwa ang kakaw.
Ang sensor ay isang uri ng instrumento na nakakasagap at tumutugon sa isang uri ng ‘input’ mula sa kapaligiran. Ang ‘output’ nito ay isang senyal na nagiging ‘display’ na maaring basahin ng tao.
Binubuo ang instrumento ng ilang mga sensor na sumusukat sa taglay na asukal ng kakaw, alkohol, at kaasinan ng katas mula sa mga buto. Kapag ang katas ay nasuri na, ipinakikita ng instrumento kung ang kalidad ng mga buto ay nasa tamang pamantayan pa.
Inaasahang makatutulong ang instrumento upang mapataas ang pagseguro ng kalidad ng kakaw. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagkalugi dahil sa mga kakaw na hindi maganda ang kondisyon lalo na yung mga inangkat sa ibang bansa.
Makikinabang sa instrumento ang mga nagtatanim ng kakaw, mamimili, nagpoproseso, at mga ahensya na nagpapatupad ng regulasyon. Makapagbibigay din ito ng pagkakataon sa mga magnanais na gawing negosyo ang produksyon nito.