TAMPILISAN, Zamboanga del Norte – Tinalakay at ipinamalas ng mga mananaliksik ng De La Salle University (DLSU) ang paggamit ng Surface Toughness Analyser for Rubber (STAR) sa isang ‘turnover ceremony.’
Ginagamit ang STAR upang malaman kung tubig sa baterya o “sulfuric acid” ang ginamit sa pagbuo ng goma. Pinapababa ng paggamit ng tubig sa baterya ang kalidad ng goma dahil sa pagsipsip nito ng tubig.
Ang paggamit ng tubig sa baterya ay hindi rin ligtas sa kalusugan at sa kapaligiran. Karaniwan nang ginagamit sa mga sentro ng bagsakan sa Zamboanga Sibugay ang nasabing sistema.
Ang STAR ay produkto ng pagtutulungan ng DLSU at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Matapos ang serye ng pagsubok at pag-aaral, binuo ni DLSU Associate Professor Dr. Jose Isagani B. Janairo at ng kanyang ‘team’ ang 20 yunit ng nasabing instrumento. Walo sa mga ito ang ipinamahagi sa mga nagnenegosyo at tanggapan na may kinalaman sa goma. Kabilang dito ang Philippine Pioneer Rubber Products Corporation, STANDECO, Philippine Rubber Farmer’s Association, Department of Trade and Industries–IX, Department of Agriculture Regional Field Office-IX, at lokal na pamahalaan ng Kalawit, Godod, at Tampilisan, Zamboanga del Norte.
Ibinahagi sa turnover ceremony ng mga mananaliksik ng DLSU ang teknolohiya ng STAR upang tulungan ang mga ‘rubber stakeholders,’ kabilang ang mga lokal na pamahalaan, sa pagtukoy sa kalidad ng goma.
Dumalo sa turnover ceremony ang mga rubber stakeholders, mga magsasaka ng goma, at municipal agriculture officers sa Zamboanga Peninsula.
Ipinakita ni Dr. Janairo ang kakayahan ng ‘nanosensor’ sa pag-tuklas ng presensya ng tubig sa baterya. Nagiging berde ang STAR kapag ang ‘rubber cup lumps’ ay ginamitan ng formic acid (rekomendadong solusyon), at pula kung ito ay ginamitan ng solusyon ng baterya.
Tinalakay naman ni Rodolfo Mabalot ng DTI Region IX ang ‘Rubber Price Reference,’ isang inisyatibo ng Department of Trade and Industries (DTI) para sa pagsubaybay sa presyo ng goma sa merkado. Mahalaga ito, ayon sa kanya, upang matulungan ang mga magsasaka na maibenta sa tamang halaga ang kanilang produkto.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Dr. Narvaez ang isinasagawang proyekto na may kinalaman sa pag-aanalisa sa polisiya at pagsusulong sa paggamit ng iba’t-ibang ‘latex coagulants’ at nanosensor para sa pagpapabuti ng kalidad ng mga hilaw na produkto ng goma.
Ibinahagi rin ni Narvaez ang mga impormasyon at kaalaman mula sa kanyang isinagawang ‘benchmarking’ sa Malaysia upang himukin ang mga nag-aalaga ng goma na pabutihin ang produksyon ng goma sa bansa.