Ang ‘food safety’ o ang pagsisiguro na ligtas na pag-konsumo ay naging hamon para sa sektor ng kakaw at iba pang mga industriya ng pagkain. Dahil dito, nagiging mas interesado ang mga mamimili ng kakaw at iba pang produkto sa ‘traceability’ o ang abilidad na makakuha ng impormasyon tungkol sa produksyon nito sa taniman hanggang sa pagkonsumo ng publiko. Ngunit ang iba pang mga suliranin kagaya ng pandaraya sa pagkain, pagtatrabaho ng mga menor de edad, at ang pagpapanatili nito ay mas nagpapahirap sa pagdedebelop ng isang traceability system.
Upang matugunan ito, isinagawa noong taong 2021 ang proyektong, “Supply Chain Management: Cacao Agro-Logistics in Southern Philippines Context” kung saan sinuri ang ‘supply chain’ ng industriya ng kakaw kaugnay sa pagbuo ng traceability system para sa industriya ng kakaw sa Katimugang Pilipinas. Ito ay pinangunahan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at ng University of Southeastern Philippines (USeP).
Ibinahagi ng miyembro ng proyekto na si Dr. Gilbert Importante na ang supply chain ng basang buto ng kakaw ay mas epektibo at mahusay kumpara sa supply chains ng ‘fermented’ o binuro at hindi binuro na tuyong mga buto ng kakaw.
Ang iba pang mga mahalagang natuklasan ng proyekto ay ang: pagkakaroon ng mga pangunahing tao na gumagawa ng talaan, nagsasaalang-alang sa importansya ng paggawa ng talaan, at ang pagiging bukal sa loob nila na magbahagi ng impormasyon na makatutulong sa mga bahagi ng traceability gaya ng pag-tala ng mahahalagang kaganapan at datos. Nalaman din na 90% na magsasaka ng kakaw ay nagmamay-ari ng lupa na may lawak na dalawang ektarya at pababa lamang.
Sa pamamagitan ng mga pangunahing tuklas at datos na nakuha sa pag-aaral na ito, binuo ang isa pang proyekto na mangunguna sa traceabiity system ng kakaw. Ang pagsasagawa nito ay makapag-aangat sa buto ng kakaw sa merkado at makapag-sisigurong mananatili ng industriya nito. Ito rin ay magagamit upang tuluyang maipatupad ang mga patakaran at regulasyon sa nasabing industriya.