Dahil sagana ang Pilipinas sa tilapia, naging paborito itong mapagkukunan ng protina. Bukod sa nakasanayang prito, sarsyado, at sinabawan, maaari ring kasiyahan ang tilapia bilang ‘ice cream.’ Isa na ang tilapia ice cream sa mga bago at patok na ice cream ‘flavors’ sa merkado.
Mula sa mga malikhaing isip ng mga ‘food scientist’ at mananaliksik ng Central Luzon State University (CLSU), ang tilapia ice cream ay panibagong paraan upang mas bigyang halaga ang produktong tilapia. Hatid nito ang masarap na pagkaing mapagkukunan ng protina nang walang malansang lasa at amoy ng isda.
Upang mas marami ang makatikim ng tilapia ice cream, binuo ng Vera Bella Enterprises Ltd. ang mga produktong Daerry’s na may sangkap na tilapia, gaya ng tilapia ‘cookies’ at ice cream ‘sandwiches.’
Ayon kay Dr. Dana Vera Cruz, managing partner ng Vera Bella, kakulangan sa nutrisyon ang nag-udyok sa kanilang simulan ang proyektong ito. Layon nilang maglatag pa ng mga masusustansyang pagkain na maaaring pagpilian ng mga Pilipino.
“The problem that we intend to solve here is the declining fish consumption of children… So incorporating fish into the children’s diet, and even those individuals who don’t eat fish, is an innovative way to provide them with the protein and other health benefits of eating fish,” ani ni Dr. Vera Cruz.
Sa kasalukuyan, nasa ilang pamilihan na ang may tilapia ice cream. Sa mga interesado, maaaring bisitahin ang Daerry’s Scoop ‘N Bites sa Munoz, Nueva Ecija. Mabibili rin ang mga produkto ng Daerry’s sa Harvest Hotel, Cabanatuan City; Lumings Café, San Jose City; Milka Krem, Science City of Muñoz; Kafe Klasiko, Cabanatuan City; at Philippine Carabao Center (PCC) sa CLSU.