Philippine Standard Time
Featured

Thraustochytrid pinag-aaralan bilang alternatibong pagkukunan ng essential ‘fatty acids’ para sa akwakultura

Ang ‘thraustochytrid’ ay isang uri ng protista o ‘protist’ na may kakayahang lumikha ng mga polyunsaturated fatty acids (PUFA) sa pamamagitan ng pag-’decompose’ ng mga nabubulok na materyal. Karaniwang nabubuhay ang mga thraustochytrid sa mga matutubig na lugar gaya ng estero at bakawan kung saan makikita ang mga ito sa mga nabubulok na dahon. Malaki ang interes dito ng mga mananaliksik dahil sa abilidad nitong lumikha ng ‘docosahexaenoic acid’ (DHA) at ‘eicosapentaenoic acid’ (EPA) na mahalaga sa nutrisyon sa mga pakain sa mga isda para sa mas mabilis na pagpapalaki ng mga ito.

Mahalaga sa akwakultura ang mga PUFA sa pakain sa isda dahil nakatutulong ito sa pagpapalaki ng produksyon ng mga inaalagaang isda. Subalit, karamihan sa mga hayop na pang-akwakultura ay umaasa lamang sa PUFA mula sa mga isdang hindi kinakain o tinatawag na fish meal at fish oil o mga langis at pakain na gawa mula sa ibang isda. Bagaman at ganito ang nakasanayang proseso sa pagkuha ng pakain, umuusbong ang pangangailangan ng alternatibong suplay ng mga ito dahil sa pabago-bagong presyo nito.

Kaya naman, isa sa pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isang pag-aaral sa produksyon ng thraustochytrid biomass bilang alternatibong suplay ng PUFA.

Nakatutok ngayon ang mga pag-aaral kung paano mapaiigting ang produksyon ng PUFA sa pamamagitan ng thraustochytrid biomass. Inaasahan na makatutulong ito upang mapalakas ang industriya ng akwakultura sa bansa. Kung magtagumpay, ito ay magiging mainam na kapalit ng mga fish at plant oil na karaniwang inihahalo sa mga pakain. Gayundin, ang prosesong ito ay inaasahang magiging mas mainam para sa kalikasan kung ikukumpara sa nakasanayang paraan.

Sa pagpaparami ng produksyon ng mga isdang mayaman sa essential fatty acids, hatid din nito ang masustansyang pagkain para sa mga Pilipino. Ang mga fatty acids gaya ng ‘linoleic,’  ‘alpha-linolenic,’ Omega-3, at Omega-6, ay kailangan sa pamamahala ng ‘immune system’ at ‘central nervous system’ na nakukuha lamang mula sa mga pagkain na gaya ng isda at mga langis na galing sa halaman. Kaya naman, sa tulong ng nabanggit na pag-aaral, makatutulong ang industriya ng akwakultura sa paghahatid ng sapat na sustansya sa pagkain ng mga Pilipino.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Los Baños sa nasabing teknolohiya.