Ilang teknolohiyang pang-irigasyon, makatutulong upang labanan ang epekto ng tagtuyot sa bansa.
Ang mga ito ay ang Water Advisory for Irrigation Scheduling System o WAISS ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) at ang Auto Furrow Irrigation System o AFIS ng Central Luzon State University. Ang WAISS at AFIS ay produkto ng pananaliksik na pinondohan ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa Los Banos, Laguna.
Layon ng WAISS na matulungan ang mga magsasaka na magkaroon ng praktikal na impormasyon sa pagiiskedyul ng patubig at mga rekomendasyon tungkol sa wastong patubig sa sakahan. Gamit ang mga panuri ng lupa o ‘soil sensors’ na nakalagay sa lupang taniman, sinusuri ng WAISS ang kahalumigmigan ng lupa. Ang mga datos mula sa mga soil sensors ay regular na ipinapadala sa WAISS ‘Server.’ Pagkatapos suriin, nagpapadala ang WAISS ng abiso sa mga magsasaka base sa mga impormasyong nakalap. Kapag kritikal ang halumigmig sa lupa, magbibigay ang WAISS ng mga abiso kung kinakailangan na nito ng patubig, kailan ito dapat gawin, at kung gaano kadami ang kinakailangang patubig.
“Sa teknolohiyang ito, hindi na kailangan ng magsasaka pumunta palagi sa bukid,” ayon kay Dr. Roger S. Luyun, Jr., propesor sa UPLB at project leader ng proyektong WAISS. Dagdag pa niya na ang WAISS ay magpapadala ng babala, abiso, at rekomendasyon sa pamamagitan lamang ng ‘text’ na mensahe sa ‘mobile phone.’
Ang WAISS ay isa sa mga teknolohiyang kabilang sa programang, “Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry o Project SARAi,” na ipinatupad ng UPLB sa pangunguna ni Dr. Maria Victoria O. Espaldon. Ang Project SARAi ay isa sa inisyatibo na layong matugunan ang matinding epekto ng klima sa tulong ng pagbibigay ng tamang abiso at impormasyon para sa mga magsasaka.
Para naman sa industriya ng tubo at asukal, handog ng Central Luzon State University (CLSU) sa pangunguna ni Dr. Marvin M. Cinense ang AFIS.
Ang AFIS ay gumagamit ng mga ‘multi-sensor’ at mga ‘control system’ upang mapamahalaan ang pagpapatubig sa lupang sakahan. Iniuugnay din ang AFIS sa mga cellphone at kompyuter upang gawing mas madali ang proseso ng irigasyon. Dahil nakatutok ang AFIS sa agarang irigasyon, kaya nitong matiyak kung kailan at gaano karami ang patubig na kailangan ng lupang sakahan.
Inaasahan na mas magiging sulit ang paggamit ng AFIS kumpara sa tradisyonal na sistema ng irigasyon. Base sa ulat at pananaliksik ng CLSU sa pangunguna ni Dr. Armando N. Espino Jr., ang paggamit ng AFIS sa Floridablanca, Pampanga ay nagresulta sa pagtaas ng ani ng tubo ng 58.34% at pagtitipid sa tubig na umaabot sa 47.50%. Ito ay mas mataas kumpara sa nakagawiang sistema ng pag papatubig na hindi ‘automated.’ Kasalukuyang nagsasagawa ng
malawakang pagsusubok ng AFIS sa mga piling lugar na taniman ng tubo sa Luzon, Visayas, at Mindanao sa pamamagitan ng pinansyal na suporta ng DOST-Industry Level Collaborative Research and Development to Leverage the Philippine Economy (ICRADLE) Program.
Dahil sa patuloy na banta ng El Niño sa agrikultura ng bansa, tiyak higit na makakatulong ang mga inobasyong gaya ng WAISS at AFIS para sa industriya. Patuloy rin na inaasahan na ang nasabing mga teknolohiya ay magsusulong ng wasto at matalinong paggamit ng tubig sa bawat sakahan sa bansa.