Nakalinang ang University of Santo Tomas (UST) ng isang teknolohiya upang matukoy kung ang hipon ay may ‘acute hepatopancreatic necrosis disease’ (AHPND) o ‘early mortality syndrome’ (EMS).
Ang teknolohiyang ito ay nagawa sa ilalim ng proyektong may titulong, “Pathobiology and Development of Molecular Detection Kit for EMS/AHPND causing bacteria.” Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang AHPND ay sanhi ng bakteryang Vibrio parahaemolyticus. Ang bakteryang ito ay nabubuhay sa dagat at nagdudulot ng panghihina, tiyan at ‘midgut’ na walang laman, at maputlang ‘hepatopancreas’ o ‘digestive gland’ sa hipon. Ang AHPND ay nagdulot ng malaking pagkawala sa ekonomiya sa mga bansang Tsina, Vietnam, Malaysia, Thailand, Mexico, at ng Pilipinas.
Sa Pilipinas, naitala ang sakit na AHPND/EMS sa hipon sa Bataan, Bulacan, Cebu, Bohol, Sarangani, at General Santos. Nakita na 73% ng mga lugar-alagaan ng hipon sa Bataan ay may AHPND.
Dahil mabilis ang maibibigay na resulta ng ‘diagnostic testing kit,’ makatutulong ito sa mga nag-aalaga ng hipon na dating umaasa sa mga ‘outsourced diagnostics’ na karaniwang matagal makuha ang resulta, mahal, mababa ang katumpakan, at hindi madaling gamitin.
Ang ‘diagnostic kit’ at ‘heat block’ na gumagamit ng ‘loop mediated isothermal amplification (LAMP)’ ay mabilis makatukoy kung ang hipon ay may AHPND/EMS. Ito ay mura sa halagang P300 sa bawat pagsusuri at maaari ring gamitin ang teknolohiya sa mismong lugar-alagaan.
Mas sensitibo sa pagtukoy ng AHPND/EMS ang LAMP kumpara sa ‘polymerase chain reaction (PCR).’ Gamit lamang ang ‘10-2 dilution,’ natukoy ng LAMP ang V. parahaemolyticus, samantalang sa ‘10-1 dilution’ natukoy ang bakterya gamit ang PCR.