Philippine Standard Time

Teknolohiya sa pagtukoy sa uri ng mangga, nalinang

Isang ‘diagnostic kit’ para sa pagtukoy ng manggang kalabaw o ‘Carabao mango’ na kilala rin bilang ‘Manila super mango’ ang nalinang sa ilalim ng proyektong, “Genetic markers and immuno-based identification of Philippine ‘Carabao’ mango.”

Ang proyekto ay magkatulong na ipinatupad ng University of Southern Mindanao (USM) at ng Visayas State University (VSU).

Nalinang ang diagnostic kit mula sa resulta ng ‘component one’ ng proyekto na may titulong “Molecular markers for mango cultivar identification and genetic characterization.”

Pinangunahan ang proyekto ni Dr. Emma K. Sales ng USM katulong ang mananaliksik at Presidente ng VSU na si Dr. Edgardo E. Tulin.

Isinakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng pondo na ipinagkaloob ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). 
      
Nalinang ang diagnostic kit gamit ang ‘DNA fingerprinting techniques,’ na kamakailan lamang ay nakitaan ng iba’t-ibang aplikasyon sa pangangasiwa sa mga pananim.

Ang mga pag-aaral sa relasyon ng henetika ng mga neytib na barayti ng mangga gamit ang DNA fingerprinting ay nagawa na sa Thailand, India, at Colombia, subalit ang pag-aaral sa ‘DNA molecular markers’ para sa mangga ay kabilang sa mga bagong pag-aaral sa bansa.  
 
Tinutugunan ng proyekto ang problema sa maling pagmamarka ng mga pananim na mangga sa mga narseri. Sa pamamagitan nito ay makatitiyak na ang mga pananim na magmumula sa mga narseri ay sertipikado at tunay na manggang Kalabaw.

Naging kaugalian na ang pag-uuri sa mangga sa pamamagitan ng laki ng bunga, hugis, at kulay. Subalit ang mga batayang ito ay maaring maapektuhan ng kapaligiran kaya hindi lubusang maaasahan.

Kaugnay nito, ginamit sa proyekto ang ‘molecular markers’ upang suriin ang iba’t-ibang henetika at pagkakakilanlan ng ‘Philippine mango germplasm.’

Ang proyektong “Molecular markers for mango cultivar identification and genetic characterization” ay naparangalan ng ikalawang puwesto bilang ‘Best Paper’ sa kategorya ng pagsasaliksik sa katatapos lamang na National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD).