Nakapaglinang ng teknolohiya upang makagawa ng uling mula sa kawayan na may mataas na kalidad para sa iba’t-ibang gamit na pang industriya.
Ang teknolohiya ay nalinang ng Forest Products Research and Development Institute (FPRDI), isa sa mga tanggapan ng Department of Science and Technology (DOST).
Nalinang ang teknolohiya sa ilalim ng proyekto na may titulong “High Quality Charcoal from Bamboo for Industrial Uses.”
Pinondohan at sumailalim sa pagsubaybay ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nasabing proyekto.
Pinahusay ng makina na dinisenyo ni Engr. Belen B. Bisana, ‘project leader’ mula sa FPRDI, ang ginagamit na hurno (kiln) para sa proseso sa paggawa ng uling mula sa kawayan.
Bukod sa uling, nakagagawa rin ang makina ng ‘pyroligneous liquor (PL)’ o ‘wood vinegar’ mula sa proseso ng paggawa ng uling.
Ang teknolohiya ay itinalaga sa CS First Green Agri-Industrial Development Inc., na naka base sa Bayambang, Pangasinan.
Ipinaliwanag ni Engr. Bisana na ang uling mula sa kawayan ay magagamit na parang ‘activated carbon.’
Ang pinahusay na hurno para sa paggawa ng uling ay nakagagawa ng 34.56% hanggang 44.50% ng uling kumpara sa nakagawiang paggamit ng balon, ‘drum,’ at hurno na gawa sa ‘bricks,’ na nakagagawa lamang ng 25-31% ng uling.
Sa pangunguna ni Dr. Leila C. America, Officer-in-Charge ng Forestry and Environment Research Division ng PCAARRD, nagsagawa ng dalawang araw na pagbisita ang PCAARRD sa Bayambang, Pangasinan kaugnay ng pagsubaybay at pagtatasa sa proyekto.
Ang teknolohiya ng paggawa ng uling mula sa kawayan ay nasa ilalim ng ‘Strategic R&D Banner program’ ng DOST-PCAARRD. Sa pamamagitan ng teknolohiya, kabilang ang iba pa, inaasahan ng DOST-PCAARRD na ito ay makapag-aambag sa pagpapahusay ng kabuhayan sa mga kabukiran.