Ang mga ‘rubber seedlings’ na pinalaki gamit ang sisidlan na tinatawag na ‘root trainer’ ay nakakapag-debelop ng 300% na mas madaming ugat kumpara sa mga punla na pinalaki gamit ang ‘polybag’ o itim na plastic na karaniwang ginagamit sa mga ‘nursery.’ Ang paggamit nito ay magbubunga ng mas mabilis na paglaki ng rubber na may kalidad.
Mas mataas ang posibilidad na mabuhay ang mga punla ng rubber sa paggamit ng teknolohiya ng root trainer. Pinahuhusay nito ang pagbuo ng mga punong-ugat at mga ‘root hairs’ na mahalaga sa pananim upang malampasan nito ang ‘environmental stress’ matapos itong itanim. Bukod dito, mas magiging pantay-pantay ang laki at taas ng mga punla ng rubber sa pamamagitan ng root trainer.
Ang root trainer ay isang sisidlang gawa sa plastic na idinisenyo para sa punla. Sa loob nito ay may mga ‘vertical ridges’ upang maging maganda ang porma ng ugat. Kapag maganda ang porma ng ugat, mas mabilis at mas magiging malusog ang pagtubo ng punla. Pinipigilan ng pamamaraang ito ang ‘tap root coiling’ o ang pagiging pulupot ng punong-ugat. Napapadali din ng root trainer technology ang pagbibyahe ng mga punla ng rubber dahil sa maliit na sukat nito.
Pinaikli ng teknolohiyang ito ang pagpapalaki ng punla ng rubber ng 5-6 na buwan kumpara sa 10-18 buwan sa tradisyonal na pamamaraan gamit ang polybag. Maaga rin ang pagsibol ng rubber na tumatagal lamang ng 20 araw.
Ang teknolohiyang ito ay base sa proyektong may titulong, “Innovation of Root Trainer Technique and Precision Grafting Technology for Rapid Propagation of Quality Planting Materials of Rubber.”
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang proyektong ito.