Isang proyekto na gumagamit ng teknolohiya ng ‘genotyping’ ang inaasahang makatutulong sa industriya ng mangga ng bansa. Kinakalap ng teknolohiya ang mga datos ng ‘molecular markers’ na nauugnay sa magagandang katangian ng mangga katulad ng mamula-mulang kulay at makapal na balat at resistensya laban sa sakit na ‘anthracnose’ at ‘fruit fly.’ Ang mga datos ay makatutulong sa paglinang ng haybrid na barayti ng mangga na may mga nabanggit na katangian.
Ang proyekto ay may pamagat na “Identification of Molecular Markers Associated with Red Blush, Thick Peel and Resistance to Anthracnose and Fruit fly in Mango.”
Pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang nasabing proyekto na pinamamahalaan naman ng Institute of Plant Breeding ng University of the Philippines Los Baños (IPB-UPLB).
Ginagamit ng proyekto ang aplikasyon ng ‘Genotyping by Sequencing’ (GBS). Sa kasalukuyan, 188 na ‘DNA samples’ ang nakuha galing sa iba’t ibang hene ng mangga, kabilang ang manggang kalabaw at iba pang barayti. Ang mga ‘samples’ na ito ay ipinadala sa Diversity Arrays Technology sa Australia para sa GBS at pagsusuri.
Walumput-isang ‘primers’ ang pinili at sinuri para magamit bilang potensyal na haybrid na barayti.
Ang proyekto ay itinampok sa 12th National Biotechnology Week (NBW) na ginanap sa Bureau of Soils and Water Management (BSWM) kamakailan.