Naobserbahang tumaas ng ani ng munggo ng 104.7% matapos gamitin ang carrageenan plant growth promoter (PGP) sa isang sakahan.
Ang teknolohiyang ito ay dinebelop ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI). Nabuo ang carrageenan PGP sa pamamagitan ng ‘irradiation’ ng ‘carrageenan solution.’ Ito ay narehistro sa Fertilizer Pesticide Authority (FPA) bilang isang ‘inorganic’ na pataba para sa bigas.
Ayon sa Project Leader na si Fernando B. Aurigue, Senior Science Research Specialist at Career Scientist I ng PNRI, nagsagawa ang ahensya ng ilang eksperimento upang masubukan ang carrageenan PGP bilang pataba sa ilang barayti ng munggo. Nakakuha ng 61.3% na pagtaas sa ani ng barayti na Kulabo pagkatapos itong espreyan nang tatlong beses ng bagong ‘irradiated’ carrageenan PGP. Tumaas naman ng 104.7% ang ani ng munggo gamit ang tatlong buwang gulang na carrageenan PGP.
Ang carrageenan ay isang polysaccharide na mula sa carrageenophytes, na sagana sa Pilipinas. Ang ‘carrageenophytes’ ay isang ‘marine alga’ na naglalaman ng mga carrageenan. Kabilang sa mga ‘carrageenan species’ na matatagpuan sa Pilipinas ay: Eucheuma, Hypnea, Acanthophora, at Kappaphycus. Ang Kappaphycus ang partikular na ginagamit sa paggawa ng carrageenan PGP. Ito ay nakakaing produkto na ginagamit bilang ‘dietary supplement,’ ‘gelling agent,’ ‘stabilizer’ ng ‘toothpaste,’ ‘thickener/emulsifier’ ng ice cream, at iba pa.
Ilang pagsubok sa mga sakahan ang isinagawa upang matukoy kung mabisa ang carrageenan PGP sa munggo. Sa sakahan ni Emerito C. Marasigan na matatagpuan sa Brgy. Navaling, Magalang, Pampanga, tumaas ang ani ng NSIC Mg 2 (Pagasa 19) ng 33.4% o 452 kgs/ha.
Sa Brgy. Barsat Pequeño, San Mateo, Isabela, umabot ng 86.9% ang pagtaas ng ani ng Pagasa 7 gamit ang ½ Recommended Rate of Granular Fertilizer (RRG) at carrageenan PGP kumpara sa dating kinagawian ng magsasaka na hindi gumagamit ng kahit anong ‘inoculant.’
Sa National Seed Foundation (NSF) Seed Production Area sa Los Baños, Laguna gamit ang Pagasa 3, umabot sa 1,134.09 kg/ha ang ani ng munggo mula 1,049.70 kg/ha nang ito ay ginamitan ng carrageenan PGP.
Sa Northern Mindanao Agricultural Crops and Livestock Research Complex (NMACLRC) ng Department of Agriculture Region X sa Brgy. Dalwangan, Malaybalay City, Bukidnon, tumaas sa 392 kg/ha ang ani ng barayting Pagasa 7 mula sa dating 312 kg/ha.
Ang halamang ginamitan ng carrageenan PGP ay nagkaroon ng mas maraming sanga, mas maraming bulaklak na naging bunga, at mas mahabang bunga na may maraming buto. Nagkaroon din ito ng mas mabigat at malalaking buto, mas matagal na pamumulaklak at pamumunga, mas madalas na pamumuga (3-6 beses), at mas malawak na ugat at nodula.
Batay sa mga nasabing benepisyo, inirekomenda ni Aurigue na gumamit ang mga magsasaka ng carrageenan PGP sa kanilang pagsasaka.
Ang paksang ito tungkol sa carrageenan PGP ay ibinahagi noong National Science and Technology Week (NSTW) na ginanap sa World Trade Center, Pasay City. Ang pagtitipon kung saan tinalakay ang paksang ito ay inorganisa ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Ang PCAARRD ay isa lamang sa mga ahensya ng DOST na lumahok sa NSTW.