LOS BAÑOS, Laguna─Isang lugar ang nakatakdang ayusin upang ipamalas ang produksyon ng kalidad na pananim ng mga piling gulay, legumbre, halamang gamot, at mga puno ng prutas. Ang proyekto ay popondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Isasakatuparan ang proyekto ng Bureau of Plant Industry-Los Baños National Crop Research, Development and Production Support Center (BPI-LBNCRDPSC) simula February 2017 at itatatag sa likuran ng tanggapan ng DOST-PCAARRD.
Pangungunahan ang proyekto ni Dr. Herminigilda A. Gabertan, Center Chief ng BPI-LBNCRDC.
Maglalaaan ng 1,500 metro kuwadrado ng lupa para sa produksyon ng organikong kamatis, talong, sitaw, ampalaya at iba pang patag gulay. Ang ‘techno demo area’ na ito ay kabibilangan ng ‘briefing area,’ lugar para sa propagasyon ng mga pananim,’ ‘net house’ para sa pananim na mga puno ng prutas, ‘greenhouses’ para sa gulay at halamang gamot, ‘gazebo,’ ‘ornamental landscape,’ ‘vegetables’ at ‘culinary herbs production showcase,’ ‘sorting area,’ ‘picnic area,’ at ‘fruit tree area.’
Ang ‘techno demo area’ ay bubuksan sa publiko, particular sa mga magsasaka, mag-aaral, mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan, mamumuhunan, at iba pang mga interesadong indibiduwal mula sa iba’t-ibang panig ng bansa. Magsisilbi itong ‘learning center’ kung saan makakukuha ng tulong teknikal ang mga bumibisita. Magsasagawa rin dito ng mga ‘harvest festival.’ Inaasahang matatapos ang proyekto sa loob ng isang taon at anim na buwan.