Inilabas ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) Limnological Station ang isang ‘technical bulletin’ na may titulong “Biology of Knifefish (Chitala ornata) in Laguna de Bay.” Ang ‘technical bulletin na ito’ ay makatutulong sa mga mangingisda at sa publiko upang maunawaan ang biyolohiya, pag-uugali, at pagkilos ng knifefish.
Ang technical bulletin ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology sa ilalim ng programang, “Towards the Control and Management of the Invasive Knifefish in Laguna de Bay.”
Ang knifefish ay kilala bilang peste dahil ito ay kumakain ng mga isda na mahalaga sa ekonomiya ng pangisdaan, gaya ng tilapia.
Dahil walang kakumpitensya o sumisila sa knifefish sa Laguna de Bay, mabilis dumami ang kanilang populasyon. Minsang umabot na sa 40% ang nakukuhang knifefish sa kabuuang ani sa lawa.
Pinag-aralan sa isang pagsasaliksik na pinangunahan ni Dr. Ma. Vivian Camacho ng Institute of Biological Sciences ng University of the Philippines Los Baños (UPLB-IBS) ang dahilan ng pagdami ng knifefish sa Laguna de Bay. Ayon sa pag-aaral, ang magulang na knifefish ay gumagawa ng pugad sa paligid ng kawayan kung saan kumakapit ang mga itlog. Babantayan ito ng isa o parehong magulang ng knifefish hanggang ang mga itlog ay mapisa. Dahil sa kaugaliang ito, mas madami ang nabubuhay sa mga napisang itlog, na dumadagdag sa pagdami ng populasyon nito.
Ayon kay Dr. Camacho, ang epektibong pamamaraan upang ma-kontrol ang populasyon ng knifefish ay ang pagtanggal ng isdang ito pati ang pagsasagawa ng ‘overfishing.’ Ang pagpigil ng populasyon sa pamamagitan ng pag-ani ng knifefish ay epektibo kung ito ay isasagawa bago ito mangitlog o habang ang mga batang isda ay kulisaw o ‘schooling.’
Pinag-aralan din ng mga mananaliksik ang kaugalian ng mga knifefish. Ayon sa pananaliksik, ang mga malalaking isda na may sukat na 50-75 sentimetro ay kayang lumangoy ng 1.1 kilometro sa loob ng 24 oras. Ang mga mas maliliit na knifefish naman ay kayang lumangoy sa maiikling distansya.
Ang mga matatandang knifefish ay madalas manatili malapit sa mga ‘fishpens,’ samantalang ang mga bata pang mga isda ay madalas manatili malapit sa lugar na may nakalubog na halaman, partikular ang Vallisneria sp.
Sa pagsusuri ng tiyan ng mga knifefish, napag-alaman na ang mga maliliit na knifefish ay kumakain ng hipon at yapyap, samantalang ang mga malalaking knifefish ay mas pinipiling kainin ang mga isda.
Ang pamamaraan ng kitang o ‘longline’ ay epektibong paraan ng paghuli ng knifefish. Pinakamainam na oras ng paghuli ay mula alas kwatro hanggang alas siyete ng umaga at alas siyete hanggang alas dyes ng gabi.