Pagkatapos ng 18 buwan, tatlong ‘scholar’ ng Graduate Research and Education Assistantship for Technology o GREAT ang nagtapos sa kanilang pag-aaral sa ilalim ng nasabing programa.
Ang mga scholar ay kinabibilangan nina Renerio P. Gentallan, Jr., Jayson O. Fumera, at Yaminah Mochica M. Pinca, na pawang mga nagsipagtapos sa University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Tinapos ni Gentallan sa ilalim ng programa ang Master of Science (MS) in Plant Genetic Resources Conservation and Management dalawang buwan bago ang pagtatapos ng academic year.
Si Gentalan ay nakibahagi sa proyektong “Restoring Crop Diversity at the National Germplasm Repository: Genetic Diversity Assessment, Characterization and Conservation of Fruits and Nuts Genetic Resources” na pinondohan ng DOST.
Ang proyekto ay pinangunahan ni Dr. Nestor Altoveros, na nagsilbi ring thesis adviser ni Gentallan.
Tinanggap ni Gentallan ang Academic Achievement Award bilang isa sa mga nagunguna sa mga nagtapos ng MS sa isinagawang 2018 UPLB Graduate School Hooding and Recognition Ceremonies.
Tinapos naman nina Fumera at Pinca ang kanilang MS Agrometeorology sa ilalim ng tulong teknikal ng ‘DOST funded project’ na may titulong “Monitoring and Detection of Ecosystems Changes for Enhancing Resilience and Adaptation in the Philippines (MODECERA) Program.” Nagsilbing ‘mentor’ ni Fumera at Pinca si Prof. Moises A. Dorado na isa sa mga tagapanguna ng programang MODECERA.
Ang tatlong nagtapos ay maaring mgsumite ng kanilang ‘re-entry research and development proposal’ kung saan magagamit nila ang kaalaman na kanilang nakuha sa kanilang ‘graduate education’ at mula sa kanilang pakikibahagi sa DOST at PCAARRD-supported R&D programs.
Ang GREAT ay may 24 na ‘ongoing’ MS at 6 na PhD scholar na nag-aaral sa UPLB (19), UP Diliman (1), UP Visayas (5), Central Luzon State University (1), Visayas State University (1), at De La Salle University (3).
Magkatuwang na ipinatutupad ang GREAT program ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) at Science Education Institute (SEI) na parehong nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST).
Layon ng programa na maglaan ng suportang teknikal at pinansyal sa mga kwalipikadong ‘graduate students’ upang kanilang matapos ang kanilang ‘graduate study program’ sa itinakdang oras.
Layon din nitong makagawa ang mga scholar ng mga kalidad na pagsasaliksik kaugnay ng mga makabagong programa at proyekto para sa ikasusulong ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.