Opisyal nang nakatala sa National Seed Industry Council (NSIC) ang tatlong bagong barayti ng hoya—ang Hoya ilagiorum 'Moonlight,' H. ilagiorum 'Sunkissed,' at H. ilagiorum 'Starburst.' Ang tatlong hoyang ito ay bunga ng dalawang proyekto ng Institute of Plant Breeding ng University of the Philippines Los Baños na pinangunahan ni Dr. Maria Luisa D. Guevarra.
Nagsimula ang pag-debelop ng mga bagong barayti ng hoya sa pamamagitan ng unang pagsasaliksik noong 2012 hanggang 2013. Isinagawa naman noong 2019 hanggang 2020 ang kanilang ‘full characterization,’ at ang malawakang pagpaparami mula 2020 hanggang 2023. Dahil dito, natukoy ang kanilang mga katangian na naging daan upang sila ay maaprubahan ng NSIC.
Ang Moonlight hoya ay isang gumagapang na halaman na may tila kahoy na tangkay at may makintab at mapusyaw na berdeng dahon. Ang mga dahon nito ay may prominenteng ‘midrib vein’ sa taas at ilalim. Ito rin ay may hugis sa pagitan ng ‘lanceolate’ at ‘ovate-lanceolate.’
Kulay dilaw ang bulaklak ng Moonlight na may 31 hanggang 112 na indibidwal na maliliit na bulaklak na hugis ‘semi-globose’ hanggang ‘globose umbel.’ Ang ‘corona’ nito ay makintab, puti, at hugis bituin na may limang ‘lobes’ na nakaturo pataas. Ang pamumulaklak nito ay naglalabas ng tila mala-luyang amoy at nakukumpleto ang siklo nito mula 21 hanggang 35 na araw.
Ang Sunkissed ay isa ring gumagapang na halaman at may kapansin-pansing dahon na hugis ‘ovate-lanceolate’ hanggang ‘ovate-elliptical.’ Ang ibang dahon nito ay may mga pulang ‘midrib’ at ‘vein’ na nagbibigay ganda kahit wala pa itong mga bulaklak.
Mayroong 37 hanggang 73 na indibidwal na bulaklak ang Sunkissed na hugis semi-globose hanggang globose umbel.’ Ang mga ito ay may iba’t ibang tingkad at kulay ng dilaw hanggang kahel at kulay kayumanggi hanggang rosas sa gilid ng ‘inner lobe’ nito. Natatapos ang siklo ng pamumulaklak nito sa loob ng 17 hanggang 33 na araw.
Samantala, ang Starburst ay isa ring gumagapang na halaman na may tila kahoy na tangkay at may makintab at mapusyaw na berdeng dahon na hugis ovate-lanceolate.
Mayroong 21 hanggang 81 na indibidwal na bulaklak ang Starbust na hugis semi-globose umbel. May natatanging kulay ang hoya na ito dahil ang gitna nito ay may makintab na kulay lila habang ang ‘corolla’ nito ay mapula sa gilid na bumubuo ng ‘band-like pattern.’ Nakukumpleto ang pamumulaklak nito sa loob ng 23 hanggang 28 na araw.
Ang mga bagong rehistrong hoya sa NSIC ay inaasahang makapag-aambag sa pagtaas ng antas ng kalidad ng mga halamang ornamental ng Pilipinassa lokal at pandaigdigang merkado.