Ang ‘bacterial crown rot (BCR)’ ng papaya o ang pagkabulok ng itaas na bahagi ng puno ay isa sa pinakamahalagang sakit ng papaya sa bansa. Kapag ang puno ay nagkaroon nito, ang sanga, ganon din ang iba pang bahagi na sumusuloy ay nabubulok, naluluoy, hanggang sa ito ay tuluyang malaglag. Nawawala rin ang sigla ng dahon, bulaklak, at tangkay ng dahon hanggang sa maging kulay kape. Nagkakaroon din ng mabahong amoy sa paligid ng taniman na apektado ng BCR.
Sa pagitan ng taong 2011 hanggang 2015, ang Pilipinas ay nakapagtala ng 16,000 tonelada ng papaya bilang pangkaraniwang ani. Subalit ang BCR ay maaaring tuluyang makasira sa paglago ng industriya ng papaya sa bansa lalo na sa mahihirap na rehiyon ng South Cotobato at Bukidnon sa Mindanao.
Kaugnay nito, isang grupo ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines Los Baños, at Davao National Crop Research, Development and Production Support Center (DNCRDPSC) ang nagsasagawa ng pag-aaral kaugnay ng BCR. Ang pag-aaral ay may kinalaman sa Integrated Disease Management (IDM) o ang pinagsama-samang pamamaraan ng pangangasiwa ng sakit ng papaya para sa produktibo, kapaki-pakinabang, at mapangalagang produksyon ng bunga ng papaya na may mataas na kalidad, partikular sa timog na bahagi ng Pilipinas at sa Australia.
Isinasagawa ang pag-aaral sa pakikipagtulungan ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), isa sa mga tanggapan ng Department of Science at Technology.
Ang Papaya IDM Project ay bahagi ng pagtutulungan ng ACIAR-DOST-PCAARRD sa ilalim ng Horticulture Program na nakatuon sa mga piling prutas at gulay. Nilalayon nitong mapabuti ang kaseguruhan sa pagkain at kabuhayan ng mga maliliit na magsasaka.
Nais tukuyin ng pag-aaral ang sanhi ng BCR at kung paano ito nabubuhay, naililipat, mapipigil o mapapangasiwaan. Ang mga impormasyong ito ay magiging bahagi ng pinagsama-samang pamamaraan ng pangangasiwa ng sakit ng papaya.
Makikibahagi ang Del Monte, Sumifru, at ang Tupi Papaya Growers Association ng South Cotabato para sa pamamahagi ng mga kaalaman at teknolohiya na mabubuo sa ilalim ng proyekto.
Ilan sa mga bunga ng pag-aaral sa ilalim ng proyekto ang pagkakatukoy sa ‘red spider mites’ na tila nakapagdadala ng BCR sa ibang papaya mula sa mga punong apektado ng nasabing sakit.
Kasalakuyan ding pinag-aaralan ang ‘germplasm’ ng papaya sa Pilipinas upang hanapin ang uri na may resistensiya o tibay laban sa BCR.
Pinag-aaralan din ang panghalili sa paggamit ng copper-based na mga kemikal bilang pangontra sa BCR. Ang mga ito ay delikado sa kalusugan ng mga magsasaka at nagiging sanhi ng polyusyon sa lupa, tubig, at hangin. Hindi rin ito gaanong mabisa laban sa BCR.
Inaasahang makatutulong ang proyekto na mabawasan ang epekto ng BCR ng 40% sa pamamagitan ng pagtaas ng ani, pagbaba ng gugulin sa produksyon, at pangangalaga sa kapaligiran. Inaasahan ding mapatataas nito ang kita ng mga maliliit na magsasaka at makalilikha ng mas maraming trabaho dala ng pagpapalawak sa produksyon ng mga malalaking nagmamay-ari ng lupa.
Para sa mga tanong, maaring kontakin si Valeriana P. Justo, project leader, sa kanyang e-mail: vale.