Maramag, BUKIDNON – Isang ‘fern spore bank’ ang itinatag kamakailan sa pagtutulungan ng Central Mindanao University (CMU) at ng Natural Science Research Center (NSRC) upang gamitin sa pagpaparami at pangangalaga ng mga pili at mahahalagang uri ng pako o ‘fern.’
Ang spore bank ay matatagpuan sa Spore and Tissue Culture Laboratory ng NSRC sa CMU – ang tanging institusyon sa bansa na may spore bank.
Layon ng spore bank na gawing palagian ang pagkakaroon ng mapagkukunan ng ‘spores’ sa buong taon at siguruhin na ang mga ito ay mabubuhay.
Nakakolekta si CMU Professor Dr. Victor B. Amoroso at ang kanyang ‘team’ ng mga ‘spores’ mula sa 64 na uri ng pako. Inuri niya ang mga ito bilang ‘nanganganib’ (11 uri); ‘ornamental’ (60 uri), ‘medicinal’ (60 uri) at ‘handicraft materials’ (2 uri).
Bilang tagapagpondo ng proyekto, binisita ng mga kinatawan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), ang proyekto upang alamin ang estado nito.
Naging daan ang spore bank upang makabuo ng dalawang ‘protokol’ sa pangangalaga ng ‘spores.’ Ito ay ang ‘pure ground clay pot (GCP)’ at ‘mixed ground clay pot and ground adventitious roots (GART)’ bilang mga ‘medium.’ Magagamit ang mga nasabing protokol upang magkaroon ng mas mahusay na pagtubo o pagsibol ng ‘spores’ at maramihang pagpaparami ng mga pananim.
Nakita sa pagaaral na ang GCP ang pinaka- epektibong ‘culture medium’ para sa pagpapatubo ng ‘spores,’ samantalang ang pinaka-epektibong ‘culture media’ para sa pormasyon ng sporophyte ay ang pagsasanib ng GCP at GART o paggamit ng lupa.
Ayon kay Dr. Amoroso, masasagip ng spore bank ang nanganganib na populasyon ng pako dahil sa hindi laging may mapagkukunan ng ‘spores’ sa loob ng isang taon upang makapagprodyus ng mga ligaw na pako (wildlings) o sporophytes.