Nakatakdang isulong ang paggamit ng ‘Smart agricultural information systems’ sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa mga piling ahensya sa Pilipinas.
Inaasahang pakikinabangan ng mga magsasaka, ‘agricultural technicians,’ mananaliksik, at mga tagagawa ng polisiya ang nasabing sistema at mga teknolohiya na nakapaloob dito upang tugunan ang walang kasiguruhang panahon at mga badya nito sa pagsasaka.
Ibabahagi ang mga teknolohiya at sistema at susuriin ang kakayanan nito, sa pamamagitan ng proyektong “Deployment and Validation of Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry (SARAI) in the Philippines,” na kamakailan ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang mga teknolohiya at sistema ng impormasyon ay kinabibilangan ng SARAI-Enhanced Agricultural Monitoring System (SEAMS); Cost-efficient soil moisture monitoring system for soil water deficit and Water Balance-Assisted Irrigation Support System (WAISS); SARAI Knowledge Portal at iba pang ‘mobile’ at ‘web-based’ na mga aplikasyon kagaya ng Maize Nutrient Expert System at Smarter Pest Identification Technology (SPId Tech), SARAI SMS Advisories, Pestbook, real-time weather monitoring, crop monitoring and forecasting, at SARAI resources.
Ginagamit ang SEAMS sa pag ‘monitor’ ng pinakamalapit at umiiral na kondisyon sa pananim ayon sa mga imahe na ibinibigay ng satellite mula sa Amerika at Europa. Ayon sa ulat mula sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos (UPLB), may iba pa itong gamit gaya ng pag-alam sa pagbabago sa gamit ng lupa, pagsusuri sa tibay ng taniman laban sa mga badya na dala ng panahon, pagtukoy sa posibleng lugar kung saan nagpaparami ang mga pangunahing pesteng insekto, at kondisyon ng panahon sa mga lugar na walang ‘weather stations.’
Tinutukoy naman ng WAISS ang taglay na halumigmig ng lupa at ang kakulangan nito para sa mga pananim tulad ng palay at mais, at nagbibigay babala kaugnay ng ‘crop water stress.’ Ang soil moisture sensors ay ginawa ng UPLB. Sa pamamagitan ng sistemang ito, matutukoy ng mga magsasaka kung kailan dapat simulan ang irigasyon o patubig sa kanilang bukirin.
Ang SPId Tech ay isang ‘mobile application’ na nakakakilala ng peste sa halaman gamit ang image scanning. Maaaring ma ‘upload’ ng magsasaka at mga ‘technicians’ ang imahe at matukoy ang peste maging ang impestasyon na umiiral sa oras at sandali ng pagkakakuha sa imahe. Ang wastong pamamaraan ng pagkontrol sa peste ay maibibigay din ng SPId Tech.
Nagbibigay ang Maize Nutrient Experts System ng komprehensibong pag-aanalisa o pagsusuri sa katabaan ng taniman para sa pagtatanim ng mais. Ibinibigay nito ang tiyak na impormasyon tungkol sa sustansya ng lupa gaya ng nitroheno, posporus, at potasyo. Nakakapaghambing rin ito ng kita sa pagitan ng nakaugaliang sistema ng pagsasaka at ng ipinapayong paraan.
Ang mga “information systems” at teknolohiyang nabanggit ay produkto ng pananaliksik ng UPLB sa pamamgitan ng SARAI program na pinondohan ng PCAARRD noong 2013. Ang konsepto ng SARAI Program ay nilikha ng PCAARRD.
Sa ilalim ng bagong proyekto na sinimulan ngayong Nobyembre 2016, ang mga tanggapan kung saan ibabahagi ang mga teknolohiya at sistema ay mga kasapi ng regional consortia ng PCAARRD. Kabilang dito ang ‘state universities’ at ‘colleges,’ DOST ‘regional offices,’ at ‘local government units.’
Pangungunahan ni Dr. Decibel F. Eslava ng UPLB School of Environmental Science and Management ang ‘project team.’
Pag-aaralan ng team ang kahandaan, kakayahan, mga gamit at pasilidad ng katuwang na tanggapan sa pagpapatupad ng proyekto at sasanayin sila kaugnay nito. Gagamitin rin ang mga ‘feedbacks’ ng mga ‘surveys’ at ‘interviews’ upang mapabuti ang sistema.