Mayroon nang simple, mura, ngunit tumpak na metro para sa pagsukat ng halumigmig ng butil ng kape. Ang ‘coffee moisture meter’ ay magagamit sa mga pinatuyong butil na may balat pa at berdeng butil na hindi pa naisasangag (parchment coffee at green coffee bean). Salamat sa isang proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sa pamamagitan ng nasabing kasangkapan, hindi na kailangang gumamit ang mga nagtatanim ng kape, mga bumibili, at mga nagpoproseso nito ng makaluma, di tumpak, mabagal, at nakasisirang pamamaraan ng pagsukat ng halumigmig sa butil ng kape.
Ang teknolohiya ay nalinang ng mga mananaliksik ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) sa pamamagitan ng proyekto na may titulong “Development of non-destructive moisture meter for green coffee beans and parchment coffee.”
Ang ‘research team’ na pinangungunahan ni Engr. Arlene C. Joaquin ng PhilMech, sa pakikipagtulungan ng isang lokal na electronic company, ay nakabuo ng paunang disenyo ng coffee moisture meter. Ito ay gumagamit ng ‘capacitive sensor oscillator circuit’ para sa pagsukat ng halumigmig na taglay ng ‘parchment coffee’ at ‘green coffee bean.’
Sa kanyang project report, sinabi ni Joaquin na ang moisture meter na ito ay maaaring gamitin sa tatlong uri ng kape: ang Coffea arabica, Coffea liberica, at Coffea canephora. Ito ay ayon sa resulta ng ‘calibration experiment’ at ‘validation tests’ na isinagawa ng PhilMech sa Nueva Ecija.
Mahalagang malaman ang halumigmig ng butil ng kape upang mapanatili ang kalidad nito. Ang mga berdeng butil ng kape na hindi pa naisasangag na may mataas na halumigmig (higit sa 12 porsyentong pagkabasa) ay masisira dahil sa bakterya at amag. Kung mababa naman sa 9 na porsyento ang halumigmig, ang butil ay liliit, masisira ang porma at magmumukhang mababa ang kalidad. Upang siguruhin ang pinakamahusay na kalidad ng kape, mahalaga ang pagsubaybay ng taglay na halumigmig matapos itong matuyo para makasiguro ng mataas na presyo sa pamilihan.