SAN FERNANDO, Pampanga─Nagsagawa dito kamakailan ng isang ‘seminar’ kaugnay ng pag-aalaga ng Nile at Red Tilapia, partikular ang kanilang henetika, kakayahan sa pagpaparami, at kalidad ng binhi.
Ang seminar ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD), isa sa mga tanggapan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD), sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Fisheries Regional Office III.
Tinalakay ng anim na piling eksperto ang mga paksa na may kinalaman sa pag-aalaga ng tilapia. Sila ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
1. Dr. Emmanuel M. Vera Cruz, Central Luzon State University (CLSU), (Kalagayan at mga Kaganapan sa Industriya ng Tilapia sa Bansa);
2. Dr. Rafael D. Guerrero III, National Academy of Science and Technology (NAST) (Mga Ipinakilala at Pinalaking Uri ng Tilapia sa Bansa);
3. Wilfredo G. Yap, SANTEH Foundation, (Pananaw sa Industriya ng Pag-aalaga ng Tilapia sa Bansa);
4. Dr. Norida P. Samson, IARRD-PCAARRD, (Kalagayan at mga Kaganapan sa Industriya ng Tilapia sa Pangdaigdigang Pamilihan);
5. Dr. Jonas P. Quilang, University of the Philippines Diliman-Institute of Biology (UPD-IB), (Henetika ng Nile at Red Tilapia at Populasyon ng Feral Tilapia); at
6. Dr. Zubaida U. Basiao, UPD-IB, (Kakayahan sa Pagpaparami at Kalidad ng Binhi ng Nile at Red Tilapia).
Sinabi ni BFAR III Regional Director Wilfredo M. Cruz na ang seminar ay naglalayong pahusayin ang kaalaman ng mga nag-aalaga ng tilapia at magkaroon ng palitan ng mga ideya upang mas mapabuti pa ang programa sa pagpaparami at pagpapalaki ng isda.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Dalisay DG. Fernandez, Direktor ng IARRD, ang mga pagsisikap ng PCAARRD sa programa ng tilapia mula noong 2014. Pinahalagahan rin niya ang ugnayan ng pagsasaliksik, ekstensyon, at industriya kaugnay nito.
Nagpahayag naman ng pagasa si Retired Commodore Eduardo B. Gongona, National Director ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), na ang Pilipinas ay magiging pangunahing ‘producer’ ng tilapia sa mundo.