Nagsagawa ng ‘seminar’ kamakailan ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ng Department of Science and Technology (DOST) kaugnay ng pangangasiwa ng henetika para sa semilya ng bangus.
Ang seminar na isinagawa sa Golden Prince Hotel, Cebu City ay inorganisa ng Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) sa pakikipag-ugnayan sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Fisheries Office VII.
Layon ng seminar na magbigay ng impormasyon sa kalidad ng henetika ng semilya ng bangus mula sa ilang at papisaan; paggamit ng ‘molecular markers’ para sa pagpili ng semilya; pagpapalahi; ‘cloning’ at ‘sequencing’ ng hene ng ‘lectin’ at patoheno ng bangus.
Ang mga impormasyon sa kalidad ng henetika ng semilya ng bangus mula sa ilang at papisaan at pagkakaiba-iba ng populasyon ng bangus bilang potensyal na mapagkukunan ng semilya sa hinaharap ay mahalaga sa pagpili at pagpapalahi.
Tinalakay ni Mario Ruinata, Assistant Regional Director ng BFAR VII, ang ‘milkfish roadmap (2018-2022).
Layon ng roadmap na mapalaki ang produksyon ng bangus; tugunan ang pangangailangan sa semilya; makapagbigay ng oportunidad sa hanapbuhay; makapagbigay ng alternatibong pamilihan para sa bangus; at pahusayin ang pagpoproseso ng produkto.
Kasama sa programa ang pagpapalawak sa mga papisaan ng bangus; pagpapahusay sa semilya; suporta sa modernisasyon ng ‘postharvest’ at ‘processing facilities,’ at paghahanap ng lokal at internasyunal na pamilihan.
Sinabi ni Ruinata na mahalaga ang industriya ng bangus sa produksyon ng isda para sa pagkain ng lumalaking populasyon ng bansa. Dahil dito, ang mga problema kagaya ng mababang kalidad ng binhi at mataas na halaga ng produksyon ay dapat tugunan.
Sinabi rin ni Ruinata na ang seminar ay mahalaga at napapanahon dahil sa ang kalidad ng semilya ay may kaugnayan sa pagkakataon na sila ay mabubuhay at lalaki ng mahusay.
Animnapu’t anim na kinatawan mula sa iba’t-ibang tanggapan ang dumalo sa seminar. Ang mga ito ay kinabibilangan ng ‘technical staff’ mula sa BFAR Regional Fisheries Offices 1, 3, 7-13, at ARMM; mga mananaliksik mula sa Romblon State University, Southern Luzon State University, Laguna State Polytechnic University, University of the Philippines Visayas, Isabela State University, University of San Carlos, Visayas State University, and Zamboanga State College of Marine Science and Technology; at mga kinatawan mula sa pribadong sektor.