Isang modalidad na may pamagat na “S&T Community-based Program for Inclusive Development” o STC4iD ang inilulunsad ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang STC4iD ay naglalayon na matulungan ang mga komunidad na geographically, economically, o socially disadvantaged (GESDA) sa pamamagitan ng mga kabuhayan na base sa siyensiya at maituturing na ‘sustainable’ at ‘resilient.’
Mga state universities and colleges (SUCs) ang makikinabang sa STC4iD.
Upang maging mas epektibo ang implementasyon ng STC4iD, tuturuan ng Technology Transfer and Promotion Division (TTPD) ng PCAARRD ang mga ‘stakeholders’ ng mga kasanayan na importante sa paglulunsad ng nasabing modalidad.
Ilang programang pagsasanay ang ilulunsad ng PCAARRD sa ilalim ng modalidad. Ang mga ito ay ang Social Technology for Institution Building (STIB), Sustainable Livelihood through Community Enterprise Development (SLED), at Enabling Mechanisms, Ensuring Sustainability (EMES). Ang mga programang ito ay isasagawa sa loob ng tatlong taon.
Ang paunang pagsasanay ay ginanap noong ika-5 hanggang ika-9 ng Nobyembre, taong 2018 sa tanggapan ng PCAARRD. Isinagawa ang pagsasanay upang maipakilala ang mga konsepto at pamamaraan ng ‘social technology’ at ‘enterprise development’ na magagamit sa pagtupad ng mga proyekto sa ilalim ng STC4iD.
Dumalo sa pagsasanay ang mga kinatawan ng SUCs na makikinabang sa STC4iD. Ang mga ‘project leader’ at mga eksperto sa ‘socio-economics,’ ‘economics,’ ‘extension,’ teknikal, at mga ‘community organizer/facilitator’ mula sa Central Mindanao State University (CMU), Mindanao State University sa Sulu (MSU-Sulu), Sultan Kudarat State University (SKSU), Siquijor State College (SSC), at Sorsogon State University (SSU).
Nagsilbing ‘mentors’ o tagapagturo ang mga propesor ng College of Human Ecology (CHE) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB). Itinuro nila ang mga kurso sa ilalim ng STIB gaya ng ‘community profiling,’ ‘community needs assessment,’ ‘community organizing,’ at ‘organizational development.’
Kabilang sa mga kurso sa ilalim ng SLED ay ang ‘financial management and entrepreneurship,’ ‘enterprise development,’ ‘sustainable enterprise development approach,’ ‘enterprise development planning (EDP),’ at ‘formulation of EDP.’ Ang mga magtuturo naman sa mga kursong ito ay mga propesor galing sa College of Economics and Management (CEM) ng UPLB.