Karaniwang inaalagaan ang ‘native’ na baboy sa mga bakuran ng mga Pilipino sa bansa. Malaki ang potensyal ng pag-aalaga ng native na baboy sa pag-debelop at pagpanatili ng mga negosyo sa kanayunan. Dahil dito, namuhunan ang DOST-PCAARRD sa mga pananaliksik upang mapaunlad at mapabuti pa ang industriya sa pag-aalaga ng native na baboy sa bansa.
Noong taong 2015, isang pangkat ng mananaliksik sa Eastern Samar State University (ESSU) ang nabigyan ng pondo upang mapag-aralan ang pag-konserba, pag-unlad, at ang ‘profitable utilization’ o ang pag-aalaga para kumita sa mga native na baboy mula sa Silangang Visayas. Pagkatapos ng limang taon ng pananaliksik, napaunlad ng ESSU ang lokal na lahi ng native na baboy sa rehiyon. Ito ay napa-rehistro sa Intellectual Property Office bilang Sinirangan® native pig.
Ipinalaganap ang lahing ito sa mga lokal na magsasaka na may magagamit na lupa para makapag-alaga ng native na baboy at makapagtanim ng mga halaman na karaniwang pagkain ng mga alagang baboy. Bilang parte ng kasunduan, magpapahiram ang ESSU sa mga katuwang nitong mga magsasaka ng dalawang dumalagang baboy at isang barako. Pagkatapos ng isang taon, ibabalik ng mga magsasaka ang tatlong anak na baboy sa ESSU bilang kapalit sa pinaiwing mga baboy.
Dahil sa pag-aalinlangan, kaunti lamang na mga magsasaka ang pumasok sa kasunduan.
Isa sa mga naglakas loob na pumasok sa kasunduang ito ay si Dr. Felix Afable, isang retiradong mananaliksik at propesor ng ESSU. Ito ay dahil interesado siya sa mga baboy noong sya ay nasa mataas na paaralan pa lamang. Nanumbalik ang kaniyang interes sa pag-aalaga ng baboy nang siya ay maimbitang makilahok sa ESSU Native Pig Program na pinondohan ng DOST-PCAARRD. Dahil alam ni Dr. Afable ang kinakailangang trabaho sa pag-aalaga ng native na baboy, siya ay nagpasyang mag-retiro.
Samantalang nakaretiro na si Dr. Afable, pinapalakas ng ESSU ang ‘extension project’ para sa Sinirangan® native pig. Kaya naman humiram siya ng isang barako mula sa ESSU at inalagaan niya ito hanggang sa maging isang ganap na “breeder.” Kalaunan ay tumupad si Dr. Afable sa kasunduan kung saan ibinigay niya ang isang lalaking baboy sa ESSU.
Ayon kay Dr. Afable, ang tagumpay ay makakamit sa sipag, pagpupursigi, at ang panata para magtagumpay. Hindi niya tinuturing na siya ay matagumpay na dahil ayon sa kanya, siya ay patuloy na nag-aaral pa lamang at tumutuklas ng mga bagong kaalaman na maaaring makatulong sa kanyang sistema ng pag-aalaga ng native na baboy.
Nagbigay si Dr. Afable ng ilang mga payo para sa mga interesadong mag-alaga ng native na baboy. Ito ay ang:
- Ang pagkakaroon at pagpapanatili ng mga pakain sa native na baboy dahil ang kawalan nito ay magiging malaking hamon sa mag-aalaga;
- Ang pagkakaroon ng sapat at kumportableng kural ng baboy para sa iba’t ibang edad nito, at
- Dapat maging sapat ang pakain at mga nakatayong kural sa bilang ng mga baboy na aalagaan sa sakahan.