Binisita kamakailan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang mga proyekto sa yemane (Gmelina arborea Roxb.) sa Echague at Cabagan, Isabela.
Ang mga nasabing proyekto ay pinondohan ng DOST-PCAARRD kaugnay ng pagpapahusay sa mga industrial tree plantation sa bansa.
Ang pagbisita ay isinagawa sa mga proyekto sa Cabagan at Echague campus ng Isabela State University (ISU) upang alamin kung ang mga proyekto sa yemane sa mga nasabing lugar ay nakabawi na matapos ang paghagupit ng bagyong Lawin sa Isabela noong Oktubre 2016.
Ang mga nasabing proyekto ay may titulong Juvenile Variations in Forest Genetic Materials of Seedlings of Falcata and Yemane at Advancement of Science for the Sustainable Utilization and Conservation of Forest Genetic Resources of Falcata and Yemane.
Isinagawa ang pagmonitor sa pangunguna ni Dr. Marcelino U. Siladan, tagapamahala ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Rubber and Industrial Tree Plantations ng PCAARRD.
Layon ng mga proyekto na makakuha ng mas maraming impormasyon sa katangiang henetiko at kaanyuan ng falcata at yemane upang tukuyin ang pinakamagandang uri tungo sa hangaring mapataas ang ani sa mga taniman.
Ang yemane at falcata (Paraserianthes falcataria (L) Nielsen) ay mga uri ng kahoy na mabilis lumaki. Ang kahoy ng yemane ay ginagamit sa paggawa ng muwebles at iba pang gamit, samantalang ang falcata ay ginagamit sa paggawa ng papel, ‘veneers,’ at mga ‘crates.’
Ang proyekto sa yemane ay matatagpuan sa Isabela kung saan ito ay sagana, samantalang ang proyekto sa falcata ay matatagpuan sa Central Mindanao University sa Bukidnon.
Ipinaliwanag ni Dr. Edmundo C. Gumpal, Dekano ng College of Forestry and Environmental Management ng ISU Cabagan campus ang mga suliranin at mga istratehiya upang makahabol ang pagsasagawa ng mga proyekto sa kabila ng epekto ng bagyo. Ayon sa kanya, ang narseri na ibinuwal ng bagyo ay agad na naibalik sa dati at nalagyan na ng mga pananim. Subalit ang mga pananim na ito ay nagkaroon ng supang o ‘shoots.’ Ang pagkakaroon ng supang ay negatibong epekto ng bagyo dahilan sa istres na dala nito. Ang mga pananim ay nanatili sa pagiging semilya sa kanilang anyo at laki dahilan sa bagyo.
Ipinayo sa ginawang pagbisita ang pagpuputol ng mga supang; pagiiwan ng isang dominanteng puno o ‘mother tree’ upang gawing batayan sa pagpili ng mahusay na uri ng pananim; at pagtatatag ng pangatlong ‘project site’ malapit sa College of Forestry and Environmental Management para sa ‘monitoring,’ ‘supervision’ at ‘control.’