Nananatiling isang hamon ang pagsasalin ng teknolohiya sa kabila ng patuloy na pagpapabuti ng mga teknolohiya sa sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman. Ito ang hamon na inihayag ni Dr. Reynaldo V. Ebora, ‘Acting Executive Director’ ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa ika-12 na Global Technology Information Search o GTIS Seminar na isinagawa kamakailan.
Ayon kay Dr. Ebora, upang matugunan ang hamon na ito, ang PCAARRD ay nagsasalin o nagbabahagi ng mga teknolohiya sa pinaka-simpleng paraan na umaabot sa pinakamalayong lokasyon na posibleng marating ng ahensya. Ang ‘Industry Strategic Science and Technology Programs’ o ISPs ng PCAARRD ay naglalayon na maisalin ang mga teknolohiyang ito sa bawat komunidad ng bansa.
Ang mensahe ni Dr. Ebora ang opisyal na nagbukas ng pulong ng GTIS na ginanap sa DOST-PCAARRD Innovation and Technology Center (DPITC), Los Baños, Laguna.
Ang nasabing pulong ay ginaganap bawat taon upang makapagbahagi ang mga eksperto at mga mananaliksik ng mga bagong teknolohiya na natutunan o nakita nila sa pagbisita nila sa mga ‘partner institutions’ o sa pakikibahagi sa mga ‘seminars,’ ‘workshops,’ o ‘fora’ sa ibang bansa.
Ang pulong ay dinaluhan ng 56 na kinatawan ng mga ahensyang miyembro ng Los Baños Science Community (LBSC), kawani ng lokal na pamahalaan ng Laguna, pribadong sektor, at iba pa.