Inorganisa ng National Network on Women in Fisheries in the Philippines, Inc. o WINFISH ang isang pulong na may titulong “Fisheries Women Entrepreneurs Forum” sa Amontay Beach Resort, Nasipit, Agusan del Norte. Ang pulong na ito ay naglayon na matugunan ang mga balakid sa ugnayan at pagtutugma (matching) ng mga nagpo-proseso ng buhay, ilado, at naproseso ng isda sa mga ‘exporters.’
Ang pulong ay may temang “Developing the Entrepreneurial Skills of SMEs for Enhanced Export Market of Live and Frozen Fish and Fishery Products.” Kasama ng WINFISH sa pag-organisa ng pulong ang Inland Aquatic Resources Research Division (IARRD) ng Department of Science and Technology-Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), DOST Region XIII, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Regional Office XIII.
Nagbahagi ng kanilang mga karanasan at mga kwento ng tagumpay ang mga exporters mula sa rehiyon bilang 9, 10, 12, at 13, partikular sa produksyon at pagbebenta ng buhay at iladong isda at iba pang produktong hango sa isda.
Isang ‘workshop’ din ang ginanap upang pag-usapan ang mga kinakailangang patnubay ng syensya at teknolohiya para sa pag-unland ng mga produkto sa bawat rehiyon.
Pitong mga saliksik ang binahagi ng mga tagapagsalita mula sa Department of Trade and Industry o DTI, BFAR, DOST, at ng pribadong sektor. Ang mga saliksik na ito ay nakatuon sa estado ng industriya, ‘packaging’ at pagbebenta, estado ng kalakalan sa mga lugar na may ‘free trade,’ tulong sa pagsisimula para sa mga negosyanteng kabilang sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs), ‘hazard analysis’ at ‘critical control points,’ mga kinakailangan para sa sertipikasyon, at pagpaparehistro ng mga produktong buhay at ilado.
Dalawa sa mga nagpoproseso ng mga produkto ang naitugma sa dalawang exporters. Napagtugma ng pulong si Seth Ryan Delos Reyes, General Manager ng Super Royale Seafoods International, Inc. at si Ruth M. Lazarte ng Balingasag Producers Cooperative. Samantala, napatugma si Orlen H. Gaurana ng Agri-Aquatic Care Inc. sa exporter na si Jilna P. Hipona, may-ari at presidente ng JIDA Aqua Resources. Ang parehong pagtutugma ay ginawang pormal sa pamamagitan ng pagpirma ng ‘Memorandum of Understanding’ o MOU para sa ‘market matching’ ng prodyuser at tagapamili o ‘buyer.’
Binubuo ng 48 na mga kalahok ang pulong, kabilang na ang mga opisyal at kawani ng BFAR Central Office; BFAR Regional Offices 9, 10, 12, at 13; mga ‘exporters’ o ‘processors’ ng isda at mga produktong hango sa isda; kinatawan ng pribadong sektor, DTI, National Research Council of the Philippines (NRCP), PCAARRD, at mga opisyal ng WINFISH.