Nagpatawag ng pulong kamakailan ang Committee on Agriculture and Food upang tapusin ang panukalang batas na lumilikha sa Philippine Rubber Industry Development Board (PHILRUBBER).
Kinatawan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ang Department of Science and Technology (DOST) sa nasabing pulong. Ito ay sa pamamagitan ni Dr. Marcelino U. Siladan ng Forestry and Environment Research Division (FERD), tagapamahala ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Rubber at miyembro ng Technical Working Group (TWG) ng PHILRUBBER, ganon din ni Meliza F. Abeleda ng Policy Advocacy Group ng Socio-Economics Research Division (SERD) ng PCAARRD.
Ang Philippine Rubber TWG na itinatag noong 2012 ang siyang nagrerepaso sa panukalang batas. Ito ay pinamumunuan ni Zamboanga 3rd District Rep. Isagani Amatong na siyang may akda ng batas.
Bukod sa DOST, ang TWG ay kinabibilangan din ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Bureau of Agricultural Research (BAR), Philippine Rubber Research Institute (PRRI), Department of Environment and Natural Resources (DENR), mga ‘rubber processors’ at ‘manufacturers,’ at iba pa.
Ang PHILRUBBER na lilikhain ng panukalang batas ay isasailalim sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sinusuportahan ng PCAARRD ang panukalang batas na lilikha sa PHILRUBBER upang makatulong sa pagpapabuti ng ‘rubber industry’ sa bansa partikular sa pagpapahusay sa produksyon, kalidad, at sa pagpapalawig ng paggawa at pagluluwas ng goma at mga produkto nito.
Ang panukalang batas ay nirepaso sangayon sa Republic Act No. 1008 na siyang lumikha sa Philippine Rubber Research Institute.