Idinaos kamakailan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isang ‘inception meeting’ para sa dalawang proyekto na inaprubahan sa ilalim ng PCAARRD’s Industry Strategic S&T Program (ISP) para sa Industrial Tree Plantation (ITP).
Pangungunahan ni For. Conrado B. Marquez ng Forest and Timber Resources Research Center-Ecosystems Research and Development Bureau (ERDB-FTRRC) ang unang proyekto na may titulong, “Assessment of Nursery and Field Growth Performance of Native and Exotic Plantation Tree Species in Caraga Region.”
Ayon kay For. Marquez, ang Falcata (Falcataria moluccana (Mig.) Barneby & J.W. Grimes) ay nananatiling pangunahing pananim na ‘ITP species’ sa rehiyon ng Caraga.
Ayon pa rin sa kanya, kinakailangang makapag ‘develop’ ng mga ‘native’ na uri ng puno na mabilis lumaki sa pamamagitan ng pagpili ng mga puno na may potensiyal para sa industriya. Aalamin din sa proyekto ang taglay na resistensya ng mga puno laban sa peste at sakit.
Ang pangalawang proyekto ay may titulong, “Anatomical, Physical, Mechanical and Veneering Properties of Young-Aged (3-, 5-, and 7-year-old Falcata and Yemane (Gmelina arborea Roxb.).” Ito ay pinangungunahan ni Dr. Marina A. Alipon ng DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI).
Malaki ang gagampanan ng proyektong ito sa pagtukoy ng mga angkop na batang falcata at yemane na maaaring gamitin para sa ‘veneer,’ ‘plywood,’ at materyales para sa konstruksyon. Ang ‘veneer processing technologies’ na bubuoin ni Dr. Alipon at ng kanyang grupo ay makatutulong sa mga nagtatanim ng puno o mga may-ari ng plantasyon at mga gumagawa ng mga muwebles, kabinet, at iba pa na gumagamit ng kahoy.
Binigyang-diin ni Dr. Leila C. America, Direktor ng PCAARRD-Forestry and Environment Research Division (FERD), ang kahalagahan ng pagtatapos ng proyekto sa itinakdang petsa. Ipinaliwanag naman ni Dr. Marcelino U. Siladan, ISP Manager ng Rubber at ITPs, ang PCAARRD-Grants in Aid (GIA) Guidelines on R&D Projects.
Sa pamamagitan ng mga inaprubahang proyekto sa ilalim ng ISP ng ITP, inaasahan na mapatataas ang pagiging produktibo ng mga lupain at ang presensya ng mga ‘wood processing plants’ at mga pamilihan sa Caraga region at mga kalapit na lalawigan.
Inaasahan din na mapahuhusay ang kalidad ng mga produktong kahoy at ang balik pakinabang nito sa kabuhayan para sa mga lokal na komunidad.