Inilunsad ng Los Baños Science Community Foundation, Inc. (LBSCFI) ang isang proyekto na itataguyod ang syensya at teknolohiya at pataasin ang bilang ng mga turista sa bayan ng Los Baños. Ang proyektong ito ay may titulong, “Development of Science Tourism in Los Baños.”
Kamakailan lang ay pormal na inilunsad ang proyekto sa pamamagitan ng pag-pirma ng ‘memorandum of agreement’ kasama ang Department of Tourism (DOT) sa CALABARZON at Department of Education (DepEd).
Ayon kay Alexander R. Madrigal, presidente ng LBSCFI at Regional Director ng Department of Science and Technology (DOST) IV-A, isa rin sa layon ng proyekto ang ma-enganyo ang mga estudyante na piliin ang kursong may kaugnayan sa syensya at teknolohiya at kalaunan ay mahikayat silang ituloy ito bilang trabaho o karera.
Susuportahan ng DOT Region IV-A ang ‘science tourism’ ng Los Baños. Inilarawan ni Rebecca V. Labit, Regional Director ng DOT Region IV-A, ang proyekto na napapanahon, kinakailangan, at importante para sa turismo ng bayan.
Dumalo rin sa paglunsad ng proyekto ang alkalde ng Los Baños na si G. Caesar P. Perez, ang Principal ng Lopez Elementary School na si G. Bernon Abellera at ang miyembro ng lokal at nasyonal na media, pati ang mga ahensyang miyembro ng LBSCFI.
Base sa Proclamation No. 349, ang bayan ng Los Baños ay itinalaga bilang “Special Science and Nature City” ng Pilipinas noong taong 2000. Karaniwang binibista ang bayan na ito upang makita ang mga resulta ng mga pananaliksik ng mga ahensyang miyembro ng LBSCFI na kinabibilangan ng UPLB, International Rice Research Institute, Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), DOST IV-A, at iba pa.