Kasalukuyang isinusulong ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology o DOST-PCAARRD at De La Salle University ang isang proyekto na inaasahang makatutulong sa pagsulong ng industriya ng goma sa bansa.
Ang proyekto na pinamagatang “Nanosensors for Rubber Quality Assessment” ay naglalayon na makatuklas ng mahusay na pamamaraan upang makita ang pagkakaiba ng ‘rubber cuplump’ na nabuo gamit ang ‘formic acid’ at ‘acetic acid’ kumpara sa cuplump na nabuo gamit ang ‘sulfuric acid’ o ‘battery solution.’
Pinamumunuan ni Dr. Jose Isagani B. Janairo, isang Associate Professor ng De La Salle University ang nasabing proyekto.
Ang cuplump ay tumutukoy sa nabuong ‘latex’ o dagta mula sa puno ng goma na kinokolekta sa isang lalagyan na tulad ng bao ng niyog. Ginagamit ang cuplump sa paggawa ng TSR10 at TSR20 grade na goma na karaniwang ginagamit sa industriya ng gulong at goma.
Mahalaga ang proyekto upang pigilan ang paggamit ng battery solution sa cuplumps. Ang cuplumps na ginamitan ng battery solution upang ito ay mabuo ay malakas sumipsip ng tubig kung kaya’t ito ay nagiging makapal at mabigat, at nagiging mas mataas ang presyo sa mga bagsakan center. Bukod dito, bumababa rin ang kalidad ng goma kapag ito ay naproseso na.
Ang paggamit ng battery solution ay ipinagbabawal na ng mga lokal na pamahalaan dahil sa masamang epekto nito sa kalusugan ng tao at sa kalikasan. Ang pinakamabuting pampabuo (coagulant) ng cuplumps ay formic acid dahil hindi nito sinisipsip ang tubig at sa halip ay tinatanggal ito.
Upang masubukan ang teknolohiya, isinagawa ng De La Salle University at Forestry and Environment Division (FERD) ng PCAARRD ang pagsusuri ng mga cuplumps gamit ang ‘nanosensor’ para sa goma sa dalawang bagsakan center sa Zamboanga Sibugay at sa Tampilisan, Zamboanga del Norte.
Ang nanosensor ay makatutulong sa mga magsasaka, ‘rubber latex processors,’ at ‘brokers’ sa paggawa ng cuplumps na may magandang kalidad at maaaring ibenta sa mataas na halaga. Maaari din itong magamit ng mga lokal na pamahalaan upang matukoy at maparusahan ang sino man na gumagamit ng battery solution sa cuplumps.
Ang pagsusuri ay pinangunahan ng mga PCAARRD evaluators na sina Dr. Leila C. America, officer-in-charge ng FERD at ni Dr. Marcelino U. Siladan, Industry Strategic S&T Program (ISP) Manager para sa Rubber.