Tutugunan ng isang proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang paglago ng paper mulberry tree (Broussonetia papyrifera (L.) L’Herit ex Vent) o lapnis na isang ‘invasive tree species.’
Ang proyekto na may titulong, “Processing and wood quality evaluation of paper mulberry for furniture, handicrafts, and other by-products,” ay naglalayon na maghanap ng potensyal na gamit ng kahoy ng lapnis upang makontrol ang paglago nito. Ito ay magtatagal ng labingwalong buwan.
Ang lapnis ay isang uri ng malaking palumpong o maliit na puno na may malambot at malutong na kahoy. Dahil sa mga katangiang ito, ang kahoy ng lapnis ay walang komersyal na halaga bukod sa paggawa ng papel na mismong dahilan ng pagpapakilala nito sa bansa noong taong 1935.
Ang lapnis ay madaling lumaki sa tropikal na klima ng Pilipinas. Ito rin ay madaling kumalat sa pamamagitan ng mga ibon at ibang hayop na kumakain ng prutas nito. Dahil dito, ang lapnis ay tinuturing na sukal ng halaman na nakakaapekto sa ‘native flora’ ng mga gubat ng bansa.
Pinangungunahan ni Forester Pablito L. Alcachupas ng Forest Products Research and Development Institute (FPRDI) ang proyekto. Ang pangkat ay magsasagawa ng mga pagsusuri kabilang ang ‘sawmilling,’ ‘veneering,’ ‘seasoning,’ ‘wood bending,’ at ‘machining’ upang matukoy ang ‘wood density,’ ‘shrinkage,’ at tibay ng kahoy ng paper mulberry.
Makatutulong ang proyekto sa mga komunidad na matatagpuan sa mataas na lugar at ang mga komunidad na umaasa sa kayamanan ng kagubatan. Makatutulong din ang resulta ng pag-aaral sa pagproseso ng kahoy ng lapnis para sa tabla, muwebles, papel, uling, at ‘pyroligneous liquor.’