Isang proyekto na pinondohan ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (PCAARRD) ang kasalukuyang isinusulong upang madaling matukoy ang mga sakit ng manggang kalabaw o ‘Carabao mango’ gaya ng ‘anthracnose,’ ‘stem-end rot,’ at ‘scab.’
Ang proyekto ay may titulong “LAMP Detection Assays for Anthracnose, Stem-end Rot, and Scab Disease Pathogens in Philippine ‘Carabao’ Mango.” Tatagal ito ng tatlong taon at isasagawa ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Ito ang unang proyekto ng PUP sa mangga na pangungunahan ni Dr. Lourdes V. Alvarez ng PUP College of Science.
Makikipagtulungan ang PUP sa Mie University ng Japan sa ilalim ng DOST at ng Japan Society for the Promotion of Science (JSPS) Joint Research Program (JRP).
Dumalo sa pagpupulong si Elenita M. Leus, ang puno ng DOST-International Technology Cooperation Unit (ITCU). Ayon kay Leus, ang DOST-JSPS JRP ay isang programa na nagsimula noong taong 2004. Isinusulong ng mga siyentistang Pilipino at Hapon ang mga proyekto na umaayon sa kasunduan sa pandaigdigang pakikipagtulungan sa ngalan ng siyensya.
Ang proyekto ay naglalayon na matugunan ang pagkasira ng mga taniman ng manggang kalabaw dahil sa mga sakit na dala ng punggus. Isasagawa ang proyekto gamit ang ‘loop-mediated isothermal amplification o LAMP assays’ para sa pagtukoy ng punggus na nagdudulot ng sakit na anthracnose, stem-end rot, at scab. Ang paggamit ng LAMP sa mga taniman ng mangga ay naglalayong mapabilis ang pagtukoy sa nasabing mga sakit.
Pinuri ni Dr. Emanuel C. De Guzman, Presidente ng PUP, ang grupo ni Dr. Alvarez sa pagsulong at pagsasagawa ng proyekto. Sinabi rin ni De Guzman na ang resulta ng proyekto ay kinakailangang gamitin ng industriya ng mangga.