Dahil sa katangian nito na mabilis kumalat at lumago, ang lapnis o “paper mulberry tree” ay itinuturing na peste at hindi kanais-nais sa Mt. Makiling, Los Baños, Laguna, kung saan ito tumutubo at lumalago.
Dahil dito, nagsagawa ng proyekto ang Forest Products Research and Development Institute ng Department of Science and Technology (DOST-FPRDI) na may pamagat na “Assessment of the Coppicing Characteristics of Lapnis (Broussonetia papyrifera) as a Strategy for its Control and Management and Sustainable Utilization for Pulp and Paper Production.”
Ang proyektong pinangungunahan ni Engr. Cesar Austria ng DOST-FPRDI ay naglalayong mapakinabangan at gawing ‘handmade paper’ ang lapnis. Sa ibang bansa, mataas ang kita sa paggawa at pagbenta ng produktong gawa sa handmade paper.
Isang malaking palumpong o isang maliit na puno ang lapnis. Ito ay malambot at madaling masirang kahoy. Noong 1930s ipinakilala ang lapnis bilang isang uri ng puno para sa ‘reforestation’ at bilang alternatibong pinagkukunan ng ‘fiber.’ Ngunit ang lapnis ay mabilis kumalat at lumaki sa pamamagitan lamang ng ‘seed dispersal’ ng mga ibon at iba pang hayop na kumakain ng prutas ng lapnis.
Ayon kay Engr. Austria, ang pag-aaral na ito ay makapagbibigay ng dagdag-kaalaman sa paggamit ng bagong tubong lapnis bilang materyales para sa paggawa ng handmade paper. Makapagbibigay din ito ng karagdagang kabuhayan para sa mga komunidad kung saan madami ang lapnis. Dahil dito, mas mapangangasiwaan at mako-kontrol na ang pagdami ng lapnis.
Ang proyektong ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Ang proyekto ay inaasahang makagagawa ng limang produkto hango sa lapnis at dalawang proseso sa pag-ani at pag-proseso ng kahoy ng lapnis.
Proyekto sa pangangasiwa at paggamit ng lapnis, aprubado ng PCAARRD
Eirene Grace C. Zaragoza, DOST-PCAARRD S&T Media Services; Isinaplin sa Filipino ni Rose Anne M. Aya