LUCBAN, Quezon – Mahalagang siguruhin ang ‘supply’ ng mga ‘forest tree resources’ upang tugunan ang mataas na pangangailangan sa mga pananim na may kalidad para sa industriya ng kahoy.
Kaugnay nito, pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isang proyekto bilang suporta sa National Greening Program.
Ang proyekto ay may titulong “S&T Interventions on the Production of Quality Planting Materials of Two Important Forest Tree Species [Makaasim (Syzygium nitidum Benth) and Batikuling (Litsea leytensis Merr.)] Indigenous in Mt. Banahaw de Lucban.”
Layon ng proyekto na itampok ang siyentipikong pamamaraan ng pagpaparami ng pananim na may mataas na kalidad para sa plantasyon. Isinasagawa ang proyekto ng Southern Luzon State University (SLSU), sa pamamagitan ni For. Kathreena Gutierrez, bilang project leader.
“Pinili namin ang Makaasim at Batikuling dahil sa ang mga uri ng punong ito ay nanganganib nang mawala ayon kay Gutierrez.
“Sa pamamagitan ng ‘clonal nursery’ ng SLSU, makatutulong kami sa mga lokal na pamahalaan, mga namamahala ng mga nursery, at mga ‘tree farmers’ na makapagprodyus ng kahit na gaano karaming ‘cloned seedlings’ sa ano mang bahagi ng taon.”
“Ang ‘cloning’ ay makapipigil sa pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng pagpoprodyus ng mga klona na ligtas sa sakit at may resistensya laban sa peste,’ dagdag pa ni Gutierrez.
Bilang tagapagpondo at tagasubaybay ng proyekto, makikipagtulungan ang DOST-PCAARRD sa SLSU upang matapos ang mga ‘output’ ng proyekto.
Kabilang dito ang pagbuo ng mga ‘rooting protocol’ para sa klona ng Batikuling at Makaasim at ang pagpoprodyus ng mga pananim ng mga katutubong ‘forest tree species’ pagsapit ng Hulyo 2019.
Inaasahan din sa pagtatapos ng proyekto ang pagkakaroon ng detalyadong halaga ng produksyon ng mga pananim at iba pang mga datos sa pagpapaugat at pagdebelop ng suwi ng mga target na uri ng puno.