LOS BAÑOS, Laguna: Pinagtibay ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isang proyekto na nakatutulong sa maliliit na magsasaka sa kabundukan sa piling lugar sa CALABARZON na tumugon sa hamon ng pagbabago-bago ng klima.
Ang proyekto na inaasahang matatapos sa loob ng tatlong taon ay nagkakahalaga ng P4.9 milyong piso.
Ang Sariaya Subwatershed, Silang Subwatershed, Tanay Subwatershed, Rosario Subwatershed, at Nagcarlan Subwatershed sa CALABARZON ang mga napiling lugar na kasama sa proyekto.
Sa isinagawang panimulang pagpupulong ng grupo kamakailan sa Institute of Agroforestry (IAF), College of Forestry and Natural Resources (CFNR), University of the Philippines Los Baños (UPLB), nilinaw ang responsibilidad ng mga mananaliksik, ahensiyang tagapagpatupad, at ng PCAARRD bilang tagpagpondo ng proyekto.
Ang grupo ay kinabibilangan ng mga miyembro ng mga propesor at kawani ng Institute of Agroforestry (IAF), Institute of Renewable Natural Resources (IRNR), at mga kinatawan ng Forestry and Environment Research Division (FERD-PCAARRD).
Pinangungunahan ni Dr. Robert G. Visco ng Institute of Renewable Natural Resources ng CFNR ang proyekto.
Kabilang sa mga nakahandang gawain kaugnay ng proyekto ay ang mga sumusunod:
• Pag-aaral sa katangian ng mga piling watershed sa CALABARZON;
• Pagbuo ng pamamaraan ng pag-uuri ng lupang naaayon para sa ‘agroforestry’ gamit ang ‘geographic information system’;
• Pagtukoy sa potensyal na epekto ng pabago-bagong klima kaugnay sa iba’t-ibang uri at layon sa paggamit sa lupa;
• Pagpapahusay sa kakayahan ng mga piling komunidad at lokal na pamahalaan sa pag-angkop sa pagbabago ng klima at magplano gamit ang ‘geographic information system’;
• Pagbuo ng mga kaukulang istratehiya sa mga komunidad ng pagsasaka upang mas higit na makaakma sa pagbabago ng klima.