Pinahintulutan kamakailan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development of the Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang pagsasagawa ng isang pag-aaral na may kinalaman sa paggamit ng likas na ‘fungicide,’ partikular para sa litsugas at kamatis.
Ang proyekto ay may titulong “Field Verification of Natural Fungicide from Tasmannia piperita (Hook. F.) Miers against Alternaria brassicae of Lettuce and Phytophtora infestans of Tomato.”
Isinagawa ng DOST-PCAARRD kamakailan ang unang pulong at pagbisita sa lugar ng proyekto na pinangungunahan ni Dr. Victor B. Amoroso ng Central Mindanao University (CMU), Musuan, Bukidnon.
Layon ng proyekto na magsagawa ng ‘field verification’ sa paggamit ng likas na ‘fungicide’ mula sa Tasmannia piperita (Hook.f.) Miers, isang sinaunang ‘dicot plant’ na lumalaki sa mga hantad na tagaytay at tuktok ng mga malulumot na kagubatan.
Layon din ng proyekto na magtatag ng mga narseri para sa maramihang pagpaparami ng T. piperita sa pamamagitan ng buto, mga sibol mula sa ilang, at ‘vitro culture.’
Ayon kay Dr. Amoroso, ang likas na ‘fungicide’ mula sa T. piperita ay ligtas sa kapaligiran, mura, at may lokal na mapagkukunan. Ito ay ayon sa mga resulta ng iba’t-ibang pag-aaral sa T. piperita, kung saan sinuri ang katas ng dahon nito.
Ang T. piperita ay matatagpuan sa mga bulubunduking ekosistema gaya ng Mt. Apo at Mt. Kitanglad. Ang labis na koleksyon ng nasabing halaman bilang ‘fungicide’ ay maaring maging dahilan upang masimot ang populasyon nito. Dahilan dito, kinakailangang silang paramihin sa pamamagitan ng mga buto sa narseri o ‘tissue culture.’
Ipamamahagi ng Energy Development Corporation (EDC) sa Kidapawan ang mga pananim sa mga ‘farmer-cooperators’ para sa kanilang mga taniman. Ipagbibili naman nila ito upang mapagkunan ng mga halaman para sa produksyon ng punggisidyo.