Maraming pakinabang at serbisyo ang naibibigay ng Laguna de Bay para sa iba’t-ibang sektor gaya ng hanapbuhay at pagkain para sa maraming pamilya.
Kaugnay nito, nanatiling hamon ang paglikha at pagpapatupad ng pangmatagalan at karampatang programa para sa lawa dahil sa magkakaibang gamit para dito na kung minsan ay magkakasalungat.
Halimbawa, ang pagpapalawig at pagpapahusay sa operasyon ng akwakultura sa lawa ay nakapagpapaliit sa lugar pangisdaan at nagiging kabawasan sa kita para sa mga di mekanisadong mangingisda. Katulad din nito, ang pagsusulong ng ekoturismo sa lawa ay maaring magresulta sa pagliit ng lugar para sa akwakultura.
Dahilan sa mga kaganapang ito, pinag-aralan ng isang proyekto ang iba’t-ibang implikasyon ng mga opsyon o mapagpipilian sa pangangasiwa ng lawa.
Ang proyekto na may titulong, “Assessing the Implications of Various Resource Use and Management Options in Laguna de Bay,” ay pinangungunahan ni Dr. Rico C. Ancog ng School of Environmental Science and Management, University of the Philippines Los Baños (UPLB-SESAM).
Inilahad ang resulta ng pag-aaral sa pamamagitan ng Validation Workshop sa PCAARRD headquarters na dinaluhan ng mga tagapakinabang ng lawa partikular ang mga mangingisda at mga nagpapatakbo ng akwakultura.
Ang binalangkas na polisiya sa pamamagitan ng proyekto ay magsisilbing kapunuan ng ‘river basin management plan’ ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) at patnubay tungo sa isang mabisang pangangasiwa ng industriya ng akwakultura sa Laguna de Bay.
Ang huling pagrepaso sa nasabing proyekto ay isinagawa noong January 10, 2019. Ito ay naglalayong alamin kung ang mga inaasahang resulta ng pag-aaral ng Laguna de Bay ‘project’ ay nakamit matapos ang 18 buwan na pagpapatupad nito.