Isang proyekto ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ay naglalayon na paunlarin ang mga teknolohiya para sa ‘free range’ darag native chicken. Ang proyekto ay may titulong, “Science and Technology Model Farm (STMF) on Free Range Darag Native Chickens in Dumarao, Capiz” na pinopondohan ng PCAARRD at isinasagawa ng Capiz State University (CapSU).
Ang Western Visayas, kung saan matatagpuan ang CapSU, ay ang pinakamalaking ‘producer’ ng katutubong manok sa bansa na may populasyon na 13 milyon.
Ang STMF ay isa sa paraan ng pagsasalin ng teknolohiya ng PCAARRD at DOST mula sa mga siyentipiko papunta sa mga benepisyaryo nito. Ito ay nagpapakita ng mga pangangailangan at epekto ng paggamit ng buong ‘package of technologies’ para sa mga ‘commodities’ sa ilalim ng Industry Strategic S&T Program (ISP) ng PCAARRD.
Ang proyekto, na magtatagal ng dalawang taon, ay nagsimula noong Abril taong 2016 at magtatapos ng Marso taong 2018. Layon ng proyekto na makagawa at maibahagi ang mga pinagsama-samang mga teknolohiya para sa pag-aalaga ng mga neytib na manok na malayang nakakagala. Kabilang sa mga teknolohiya ang pagpapalahi at pamamahala ng pamisaan upang matiyak ang matatag na panustos sa neytib na manok para sa pagpapalahi at pangkatay. Ang mga nasabing manok ay nagtataglay ng hindi pabago-bagong katangian.
Maglilinang din ng natural na pakain, ‘botanical anthelmintics,’ bakuna para sa New Castle Disease (NCD), at protokol para pagandahin ang ‘range area’ o pagalaan.
Sa pamamagitan ng mga teknolohiyang ito, tataas ang produksyon at kita ng mga nag-aalaga ng katutubong manok. Makakatulong din ito sa pagtatamo ng seguridad sa pagkain at pagresolba ng kahirapan sa mga komunidad sa mga lalawigan.