Ang plantasyon ng troso ay kinakailangang paramihin upang maligtas ang kagubatan ng ating bansa. Upang matugunan ito, isang proyekto ang inilulunsad upang mapabuti ang kaalaman at mga pamamaraan ng paggamit ng hene ng mga uri ng puno pati na rin ang pag-ipon ng mga materyales ng hene para sa matagalang pagpaparami ng mga puno.
Ang proyekto ay may titulong “Advancement of Science for the Sustainable Utilization and Conservation of Forest Genetic Resources of Falcata and Yemane.” Ito ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) at isasakatuparan ng Isabela State University (ISU) para sa yemane at ng Central Mindanao University (CMU) para sa falcata. Tatagal ng tatlong taon ang proyekto.
Kamailan ay sinuri ang nasabing proyekto kung saan ibinahagi ang mga nagawa na ng mga mananaliksik. Ginawa ang pagsusuri sa Bolinao, Pangasinan kasama ang University of the Philippines Los Baños (UPLB), ISU, at CMU.
Ilan sa mga natupad sa proyekto ay ang pagkalap ng 30 kilo ng buto ng falcata galing sa 253 na puno; pagpapadala ng mga materyales para sa pagpaparami sa mga plantasyon; at pagsasanay sa mga grupo ng tekniko na makatutulong sa industriya ng kahoy sa Pilipinas.
Kasama sa layunin ng proyekto ang pagpili ng ilang impormasyon tungkol sa pinaka-magandang uri ng binhi na nakalap sa iba’t ibang lugar at maaaring makapagpalaki ng magagandang uri ng puno ng yemane at falcata.
Ayon kay Dr. Enrique L. Tolentino, project leader at propesor ng University of the Philippines Los Baños, nais niyang ipamalas sa pamamagitan ng proyekto ang pag-debelop at pagpaparami ng puno ng falcata at yemane na may makukuhang magandang troso, matibay sa mga peste at sakit, at maaaring anihin sa loob ng maikling panahon.
Ang yemane at falcata ay uri ng puno na magaan at mabilis lumaki. Ang yemane ay ginagamit para sa paggawa ng mga muwebles at ‘joinery’ samantalang ang falcata ay maaaring gawing papel, ‘veneer,’ at ‘crate.'