Nagpulong kamakailan ang mga mananaliksik mula sa anim na ‘state universities and colleges’ o SUCs at mga ahensya ng gobyerno sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) upang kilatisin ang mga nagawang proyektong “National Research and Development Project on Watershed Management in the Philippines (Phase 2).”
Ang proyekto ay may layunin na pagandahin ang mga gawain tungkol sa watershed at pangangasiwa ng ‘ecosystem’ sa pamamagitan ng siyensya at teknolohiya. Isusulong ng University of the Philippines Los Baños (UPLB), sa pangunguna ng UPLB Propesor Rex Victor O. Cruz, ang proyekto sa pamamagitan ng paggawa ng ‘network’ ng ‘learning watersheds’ at sistema ng ‘watershed’ na makakatulong sa pangangasiwa at paggawa ng desisyon. Ang proyekto ay pinondohan ng PCAARRD at isasagawa sa loob ng dalawang taon.
Ayon kay Dr. Cruz, ang network ng learning watersheds ay magsisilbi bilang lugar upang pag-imbakan ng lokal na kaalaman sa watershed at ‘ecosystem resources’ sa pamamagitan ng matagalang pagsusubaybay. Ang imbakan ng kaalaman ay makatutulong lalo na sa epektibong paggawa ng desisyon at pagpapatupad ng polisiya kaugnay ng mga watershed.
Siniguro sa pagsusuri na ang mga makakalap na datos ay patuloy na pag-iibayuhin at madaling magagamit kahit pagkatapos ng proyekto. Ang lahat ng impormasyong makakalap ay isasalin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa Department of Agriculture (DA).
Ang DENR at ang DA ay patuloy na kakalap ng datos mula sa iba’t ibang instrumentong nakalagay sa anim na learning watersheds. Ang anim na watersheds ay ang sumusunod: Pagsanjan-Lumban watershed sa Laguna; Quiaoit river watershed sa Ilocos Norte; Saug watershed sa Davao del Norte; Abuan watershed sa Isabela; Muleta Watershed sa Bukidnon; at Quinali Watershed sa Albay.
Kabilang sa mga dumalo sa pagsusuri ay ang mga ‘project leaders’ at kawani ng Mariano Marcos State University (MMSU), Mining and Degraded Areas Rehabilitation Research Center (MDARRC) ng the Ecosystems Research and Development Bureau (DENR-ERDB), Isabela State University (ISU), Central Mindanao University (CMU), at Bicol University (BU).
Kinakailangan na magpasa ang mga SUCs ng mga kinakailangang dokumento at magbahagi ng mga nakalap na kaalaman sa proyekto sa mga komunidad na malapit sa mga watershed.