Los Baños, Laguna – Pinag-aaralan ng isang proyekto ang pagpapabuti sa ani at kalidad ng langka.
Idedebelop at ipatutupad ng proyekto ang pinagsama-samang mga istratehiya sa pangangasiwa ng sakit ng langka kasama ang mga opsyon sa pangangasiwa ng pananim nito.
Ang proyekto ay pinondohan ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ipinatutupad ng Visayas State University (VSU); Bureau of Plant Industry-Davao National Crop Research, Development and Production Support Center (BPI-DNCRDPSC); at Department of Agriculture Regional Field Office No. 8 (DA-RFO 8).
Kasama ng ACIAR ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa pagmomonitor ng proyekto.
Ang proyekto na may titulong “Tropical tree fruit research and development in the Philippines and Northern Australia to increase productivity, resilience, and profitability,” ay sinuri kamakailan sa isang pagpupulong na naganap sa Visayas State University (VSU).
Layon ng isang bahagi ng proyekto na pahusayin ang ‘vacuum fried jackfruit chips’ sa Leyte na bunga ng proyektong “Processing of Jackfruit into High Value Food Products” na ipinatupad din ng VSU.
Sinisiyasat din ng proyekto ang posibilidad ng ‘fresh-cut processing’ ng langka sa Pilipinas at sa Australia.
Ibinahagi ni Dr. Othello B. Capuno, Vice President for Research and Extension sa VSU, ang mga potensyal na oportunidad para sa industriya ng langka sa bansa.
Nagpahayag si Capuno ng pag-asa na ang suporta at pagtutulungan ng mga ahensya at mga samahan ay makatutulong upang maging matatag ang industriya ng langka sa bansa.
Ang proyekto ay bahagi ng “ACIAR-PCAARRD Horticulture Program on Fruits and Vegetables Phase 2” na ang layunin ay mapabuti ang kabuhayan at kasiguruhan sa pagkain ng maliliit na magsasaka sa mga piling lugar sa Visayas at sa Mindanao.