Ang magandang oportunidad ng Pilipinas sa pagbebenta ng saging na Cavendish sa ibang bansa ay naapektuhan ng Fusarium wilt (FW). Ito ay sakit ng saging na dala ng punggus na Fusarium oxysporum f. sp. cubense (Foc) Tropical Race 4 (TR4). Pumapasok ang mikroorganismo sa ugat patungo sa mga tangkay ng halaman at nagdadala ng matinding pinsala.
Ang FW ang isa sa pinakamapaminsalang sakit ng halaman na nagiging dahilan ng pagkalanta at pagkamatay nito.
Ang TR4 ‘strain’ ng punggus ay kilala bilang uri na siyang nagiging sanhi ng impeksyon ng saging na Cavendish. Lubhang mahina ang Cavendish laban sa nasabing punggus.
Unang natukoy ang FW sa Mindanao noong 2005. Mula noon, patuloy itong nagiging banta sa industriya ng Cavendish.
Binigyang pansin ang suliranin sa FW sa pamamagitan ng isang proyekto, ang “Integrated management of Fusarium wilt of bananas in the Philippines and Australia.”
Ang proyekto ay magkatulong na sinimulan ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST – PCAARRD). Katulong din sa proyekto ang University of Southeastern Philippines (USeP) at Provincial Government ng Davao Del Norte bilang tagapagpatupad ng proyekto. Pinondohan ang proyekto ng pamahalaan ng Australia at Pilipinas.
Layon ng proyekto na pag-aralan ang bisa ng mga pinakamahusay na pinagsamasamang pamamaraan ng pamamahala ng saging sa gitna ng pag-atake ng FW. Layon din nitong pag-aralan ang mga balakid sa pagpapatupad ng mga kinakailangang mga teknolohiya at kung paano mahihimok ang mga magsasaka na gamitin ang angkop na opsyon upang malabanan ang nasabing sakit.
Binibigyang pansin din sa pag-aaral ang pagbabawas sa paglipat-lipat ng mga lupa mula sa mga apektadong taniman patungo sa ibang taniman upang ma limitahan ang pagkalat ng FW. Kabilang dito ang mga lupang kumakapit sa bota ng magsasaka. Nakita sa resulta na ang paggamit ng ‘wire mesh’ bilang ‘boot scrub’ ang pinakamabisang pantanggal ng lupa kumpara sa ‘brush,’ ‘coco coir,’ ‘plastic bottle cap,’ at ‘rubber bootscrubs.’ Nakita sa pag-aaral na ang paglulubog sa bota sa ‘disinfectant’ na may mataas na konsentrasyon ay nakababawas sa populasyon ng punggus sa lupa na maaring nakadikit sa ilalim ng bota.
Napili ang Puyod Farm sa Lasang, Davao City bilang isa sa mga lugar kung saan sinusubukan ang mga pinakamahusay na pinagsamasamang pamamaraan ng pangangasiwa sa pananim.
Kabilang sa isinagawang pag-aaral ang paghahambing sa mga ‘varieties’ na GCTCV-218 at Grand Naine. Napatunayan sa pag-aaral na ang mas malakas ang resistensya ng GCTCV-218 laban sa FW kaysa sa Grand Naine.
Nakita rin sa pag-aaral na ang paggamit ng mga pananim bilang ‘ground cover’ at ng ‘bio-control products’ ay hindi nakapagpababa sa bilang ng mga halaman na apektado ng FW.
Ang pagsubok sa mga pinakamahusay na pinagsama-samang pangangalaga sa taniman ay isinasagawa rin sa Andres M. Soriano Employees Fresh Fruits Producers Cooperative (AMSEFFPCO), sa Brgy. Sampao, Kapalong, Davao del Norte.
Sa mga isinagawang ‘survey’ sa Davao del Norte, nakita na ang pagsunog sa mga puno ng saging na kinapitan ng FW at ang paggamit ng kemikal ay kabilang sa mga karaniwang ginagawa ng mga magsasaka. Bagamat maraming pamamaraan ang isinasagawa, nagsisilbing hadlang sa pangangasiwa ng FW ang ilang mga elemento gaya ng mga nakagisnang panainiwala ng mga magsasaka, ang kanilang katayuang pinansiyal, at ang impormasyon na kanilang natatanggap na walang epektibong pangontra sa FW.