Malaki ang potensyal ng langka upang mapataas ang kita ng mga maliliit na magsasaka. Gayunman, nananatiling hamon sa kanila ang kakulangan ng malinis at walang peste at sakit na mga pananim at ang kakulangan ng kaalaman sa pinagsama-samang pamamaraan ng pamamahala at pagpapalaki sa mga pananim, pagpapahusay sa produkto, at pagpoproseso nito.
Para kay Dominador Villasis ng Inopacan, Leyte, problema ang mababang presyuhan ng langka sa kanyang taniman. Sa nakalipas na tatlo hanggang apat na taon, labing apat na piso lamang kada kilo ang presyo ng kanyang langka, samantalang ang presyo ng abono at pambayad sa trabahador ay tumataas kada taon.
Ang mga nasabing hamon ay tinutugunan ng proyektong, Tropical Tree Fruit Research and Development in the Philippines and Northern Australia to Increase Productivity, Resilience and Profitability. Ito ay pinondohan ng Australian Centre for International Agricultural Research (ACIAR) at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Layon ng proyekto na makabuo ng mga sistema upang mapanatili ang kalinisan sa mga narseri; makapagparami ng mga pananim na walang sakit; isulong ang paggamit ng ‘potassium phosphonate’ laban sa mga sakit sa langka; pabutihin ang mga teknolohiya sa pagpapahaba ng panahon ng pamumunga ng langka; at pabutihin ang kombinasyon ng punong halaman na pinagsusulutan at ng sangang pananim o supang na matibay sa sakit na Phytophthora.
Bukod sa ibibigay na benepisyo ng proyektong ito para sa magsasaka sa Pilipinas, ang proyekto ay maari ring mapaganda ang industriya ng langka sa Australia.
Parte ng proyekto ang isang pag-aaral upang malaman ang pinaka-tamang pagkahinog para sa pagpoproseso ng langka. Ito ay kasukuluyang ginagawa sa ‘processing plant’ sa sakahan ng Magsasaka Siyentista na si Job Abuyabor sa Mahaplag, Leyte.
Sa ‘processing plant’ din ni Abuyabor ginagawa ang pagpoproseso ng hilaw na ‘jackfruit pulps’ para sa produktong ‘dehydrated jackfruit.’ Ang ‘dehydrated jackfruit’ ay bunga ng pananaliksik ng DOST-PCAARRD at ng Visayas State University (VSU) sa ilalim ng proyektong Technology Transfer and Commercialization of Jackfruit Products through TechnoMart.
Parte rin ng proyekto ang pagpapahaba ng itatagal ng ‘vacuum-fried jackfruit.’ Sinusubukan din ang paggamit ng “nitrogen-flush” sa pagpapakete upang mapanatili ang pagiging malutong ng jackfruit chips.