Bumisita kamakailan ang Forestry and Environment Research Division (FERD) ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa Mt. Makiling Forest Reserve at sa National Institute of Microbiology and Biotechnology (BIOTECH), University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Ang pagbisita ay bahagi ng ‘monitoring’ at ‘evaluation’ ng programang “Forest Canopy Observation, Positioning and Investigation (Forest CANOPI) Program: Developing Forest Canopy Science in the Philippines.”
Ang programa ay pinondohan ng PCAARRD at naglalayon na mapalawig at maintindihan ang dinamika ng sari-saring halaman at hayop sa tuktok ng mga puno sa kagubatan upang makagawa ng mga kagamitan at pamamaraan na base sa siyensya. Ito ay upang mapabuti ang pangangasiwa ng ‘forest canopy’ ng Mt. Makiling.
Binubuo ang programa ng apat na proyekto: pangangasiwa sa mga tuktok ng puno sa kagubatan; panghalamanan at mga nilalang na walang galugod na matatagpuan sa mga tuktok ng puno; mga nilalang na may galugod; at mga bakterya at punggus sa mga tuktok ng kagubatan.
Ang programa ay may apat na proyekto: Project 1. Forest Canopy Management; Project 2. Forest Canopy Flora and Invertebrate Fauna; Project 3. Forest Canopy Vertebrate Fauna; at Project 4. Forest Canopy Monerans (Prokaryotes) and Fungi.
Si Dr. Nimfa K. Torreta, ang DOST-PCAARRD ISP Manager ng Bamboo at Biodiversity ang nagsilbing ‘evaluator’ sa pagbisita kasama si Forester Maria Kristina Abigail S. Lapitan, ang project staff sa ilalim ng Emerging Interdisciplinary Research (EIDR) Program ng FERD.
Ang Program Leader at Project Leader ng Project 1, si Dr. Nathaniel C. Bantayan, ang nagsilbing gabay sa pag-akyat sa Molawin-Dampalit, isang dalawang ektaryang lupa kung saan ang matataas na punong Bagtikan ang tumutubo. Sa taas ng mga puno ay may mga tuntungan kung saan makikita ang tuktok ng mga puno sa kagubatan ng Mt. Makiling.
Bumisita din ang grupo sa BIOTECH laboratory sa UPLB, kung saan tinalakay ni Robynne Eslit, project assistant ng Project 4, ang mga muwestra o ‘sample’ na nakalap sa parang. Tinalakay naman ng mga kinatawan ng bawat proyekto ang mga natupad na gawain sa ilalim ng programa.