Sinangayunan at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isang programa upang lubos na mapakinabangan ang ‘industrial tree plantation species (ITPS)’ ng bansa.
Ang proyekto na may kinalaman sa paggamit ng ‘nanotechnology’ para makamit ang nasabing layunin ay may titulong, “Value Addition and Waste Recovery Systems for ITPS: Maximizing the Value of Philippine Industrial Tree Plantation Species through Nanotechnology Interventions and Bioplastic Production.”
Pinondohan ng PCAARRD ng humigit-kumulang P5 milyon ang nasabing proyekto na magtatagal ng dalawang taon.
Gagamitin ng programa ang mga makabagong teknolohiya sa ‘forest nanotechnology’ at ‘bioplastics’ upang pataasin ang pakinabang sa ITPS ng bansa.
Pinangungunahan ni Dr. Ramon A. Razal ng Department of Forest Products and Paper Science (DFPPS) of the College of Forestry and Natural Resources (CFNR), University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang programa.
Ang progama ay may dalawang bahagi: “Production and Application of Cellulosic Nanocrystals from the Wood and Processing Wastes of ITPS” at “Bioplastics from ITPS: Production, Characterization and Potential Applications.”
Ang unang bahagi ng programa ay pinapangunahan rin ni Dr. Razal. Ito ay naglalayon na matukoy ang mga bagong produkto at mga gamit ng ‘nanocellulose’ na galing sa basura o ‘wood wastes’ ng tatlong ITPS (Falcata, Gmelina, at Mangium) na itinatanim sa Pilipinas.
Samantala, ang pangalawang bahagi ng programa na pinapangunahan naman ni Prof. Ronniel D. Manalo ng DFPPS, CFNR, ay naglalayong pag-aralan ang paggamit ng ‘lignin,’ isang produkto na nakukuha sa proseso ng pagsasapal o ‘pulping’ ng ITPS.
Umaasa ang programa na makatutulong ang nanotechnology upang makahimok ng mga Pilipino na magtanim ng ITPS tungo sa pagpapanumbalik ng kagubatan ng bansa.