LOS BAÑOS, Laguna – Nirepaso kamakailan ng Department of Science and Technology -Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) ang estado at mga nagawa ng programa sa paggamit ng mga katutubong uri ng puno.
Ang programa ay may dalawang proyekto na naglalayong makapagtatag ng isang sistema sa pag-‘recover’ ng mga dumi mula sa katutubong uri ng puno sa patnubay ng ‘nanotechnology’ at produksyon ng ‘bioplastic.’
Ipinaliwanag ni Dr. Ramon A. Razal, tagapanguna ng programa at proyekto, ang mga nagawa sa ilalim ng Project 1.
Pinahalagahan ni Razal ang mga bagong kaganapan sa larangan ng ‘forest nanotechnology’ at ‘bioplastics’ kabilang ang mga posibleng bagong produkto at aplikasyon ng ‘nanocellulose’ mula sa ‘solid wood’ at mga dumi mula sa tatlong katutubong uri ng puno, ang Falcata, Gmelina, at Mangium na malawakang itinatanim sa bansa.
Sa ilalim ng Project 2, ipinaliwanag naman ni Prof. Ronniel D. Manalo ng College of Forestry and Natural Resources, University of the Philippines Los Baños (UPLB-CFNR) ang mga paraan sa paggamit ng ‘lignin,’ isang produkto mula sa sapal ng mga katutubong puno sa produksyon ng nanocellulose. Sinabi ni Manalo na ang kanyang grupo ay kasalukuyang bumubuo ng mga protokol para sa pagdebelop ng produkto.
Dahil sa 70% na ng mga gawain ang natapos sa ilalim ng programa at may nalalabi pang tatlong buwan bago matapos ang Phase 1, inaasahang lubos itong makukumpleto. Ang mga plano sa produksyon ng nanocellulose, bilang unang produkto para sa mga industriya na nangangailangan nito, ay isasagawa sa ilalim ng Phase 2.
Pinangunahan ni Dr. Marcelino U. Siladan, tagapangasiwa ng Industry Strategic S&T Program (ISP) for Rubber and Indigenous Tree Plantation Species (ITPS) ang ‘technical review’ at ‘evaluation.’
Ayon kay Siladan, ang tagumpay sa paggamit ng katutubong uri ng puno para sa produksyon ng bioplastics ay mas makahihimok pa sa mga magsasaka na magtanim ng mga ito. Makatutulong din ito sa rehabilitasyon at panunumbalik ng kagubatan na susuporta sa mga industriya na umaasa sa kahoy.